280 total views
Hinikayat ng Kaniyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mamamayan at mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na mag-alay ng panalangin para sa kapayapaan.
Ito ay kaugnay na rin sa patuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Cardinal Tagle, nawa ay maging ligtas ang bawat isa lalu na sa Gitnang Silangan at humupa ang napipintong digmaan.
“Ipanalangin po natin na maging ligtas ang ating mga kapwa sa Middle East, humupa ang mga pagnanais na sirain ang kapwa humupa ang mga hangarin na maghiganti. At ipinalanagin natin ang ating kapwa Filipino ang kanilang mga pamilya dito na nangangamba,” bahagi ng homiliya ni Cardinal Tagle.
Ito ang panawagan ni Cardinal Tagle sa kanyang homiliya sa ginanap na misa para sa kapistahan ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno sa Quirino grandstand.
Hiling din ni Cardinal Tagle ang panalangin para sa kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa Gitnang Silangan at kanilang mga pamilya sa Pilipinas na nangangamba sa maaring maging epekto ng kaguluhan.
Tinatayang may pitong libong OFW sa Iran at Iraq kabilang na dito ang may dalawang libong Filipino na nagtatrabaho sa US facilities sa Iraq.
Dulot na rin ng nakaambang kaguluhan, naghahanda na rin ang pamahalaan ng Pilipinas sa repatriation ng mga OFW na nasa gitnang silangan sa oras na kailanganin ang paglikas.