572 total views
“Pinalitaw ng Panginoong Diyos ang magandang ugali, magandang kabihasnan, magandang pagsasamahan ng mga Batangueno. Salamat. Kahit kayo ay taga-ibang lugar, kahit kayo ay hindi Batangueno at tumutulong sa nagdurusa, sa mga nahihirapan dito sa Batangas, ipahintulot nyong sabihin ko ito sa inyo—kayo rin ay Batangueno! May pag-asa tayo,” Cardinal Rosales.
Labis din ang pasasalamat ni Manila Archbishop Emeritus Cardinal Gaudencio Rosales sa mga nagpaabot ng tulong para sa mga biktima ng pagligalig ng bulkang Taal.
Ayon sa arsobispo dapat pasalamatan ang Panginoon sapagkat sa kabila ng mga pagsubok ay hindi pinababayaan ang sangkatauhan sa tulong ng kapwa.
“Ako po ay nagpapasalamat dahil maraming dumadalaw at nagbibigay ng tulong, maraming salamat sa mga nakauunawa sa sitwasyon; hindi tayo pinababayaan ng Diyos,” pahayag ni Cardinal Rosales sa Radio Veritas.
Ika-12 ng Enero nang magsimulang magligalig ang Bulkang Taal at nagbuga ng makakapal na abo na bumalot sa mga lugar na nakapaligid sa bulkan sa lalawigan ng Batangas dahilan upang lumikas ang mahigit sa 80, 000 indibidwal.
Paliwanag ni Cardinal Rosales na ang trahedya ay bahagi lamang ng mga pagsubok sa tao at paanyayang higit na manalig sa Diyos na maylikha ng lahat ng bagay sa mundo.
Ikinatuwa ng dating arsobispo ang pagdadamayan ng mamamayan sa kabila ng pagkakaiba ng estado at pananaw sa buhay na sumasagisag din ng pakikiisa ni Hesus sa kapwa na nahihirapan.
Agad namang kumilos ang Simbahang Katolika sa paglingap sa mga biktima ng pagputok ng bulkan sa pangunguna ng Caritas Manila at Quiapo Church na naunang nagpahatid ng tulong tulad ng pagkain, tubig, gamot, banig at iba pang sanitation kits na magagamit ng mga lumikas na residente.
SCAM ALERT
Nanawagan din si Cardinal Rosales sa mamamayan na huwag samantalahin ang trahedyang nagaganap sa Batangas upang lokohin ang kapwa.
Sa halipo ay dapat ipakita ng bawat isa ang tunay na adhikain ng pagtulong sa halip na gamitin ang pagkakataon upang manloko para sa pansariling interes.
Ayon pa sa cardinal ito rin ang akmang panahon upang magkaisa ang mga Filipino sa paglingap sa mamamayang nahihirapan dahil sa epekto ng pagbuga ng abo ng bulkang Taal.
“Dapat alalahanin natin na ang pangyayari ay hindi dapat pagsamantalahan sa halip ay magtulungan tayo,” ani Cardinal Rosales.
Una na ring nagbabala si Lipa Archbishop Gilbert Garcera sa mamamayan na mag-ingat sa mga taong ginagamit ang kanyang pangalan at ang arkidiyosesis upang makapangalap ng pondo dahil may mga lehitimong numero lamang kung saan maaring makipag-ugnayan ang mga magbibigay ng kanilang donasyon.
Gayundin ang NASSA/Caritas Philippines ang social arm ng simbahang katolika ay nagbabala rin laban sa mga taong sinasamantala ang paghingi ng mga donasyon para sa mga pansariling interes kung saan ginagamit ang trahedya sa pagputok ng bulkang Taal.
Nanindigan si Cardinal Rosales na sa diwa ng pananalig sa Panginoong Hesukristo ay magkaisa ang mamamayan sa pagpapabatid ng kalinga sa mga biktima. (with Norman Dequia)