5,731 total views
Updated (7:00 am Jan. 18, 2020) Nakalikom ng kabuuang P2.7 milyong donasyon ang Caritas Manila at Radio Veritas sa katatapos lamang ng Damay Kapanalig Taal Telethon.
Patuloy pa rin ang paanyaya sa mga mananampalataya na makiisa, makibahagi at magpahatid ng kanilang tulong upang makalikom ng pondo para sa mga residente ng Batangas, Cavite, Laguna at ilan pang karatig lalawigan na naapektuhan ng pagputok ng bulkang Taal.
Ayon kay Caritas Manila executive director Fr. Anton Pascual at pangulo ng Radio Veritas, hindi pa natitiyak kung hanggang kailan magtatagal ang pagliligalig ng bulkan kaya’t mahalaga ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng tulong lalu na sa mga nasa evacuation centers.
NAAAKMANG TULONG SA EVACUEES
Panawagan din ng mga pari sa mga nagbibigay ng tulong na makipag-ugnayan sa mga evacuation centers, local na pamahalaan, at sa simbahan para alamin ang mga pangangailangan ng mga evacuees.
“Unang-una iwasan natin ang duplication na ilang grupo lang ang nabibigyan, at yung talagang pangangailangan nila kasi nasa isip natin puro pagkain, pero marami pa silang pangangailangan tulad ng mga toiletries, undergarments, diapers, gamot na talagang kapos din, kasi nga nakapokus tayo sa pagkain,” ayon kay Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Giit ni Fr. Pascual, “Tanungin natin din kung ano ang pangangailangan para ang masiguro natin ang ibibigay natin ay sukat sa pangangailangan ngayon.”
PAGHAHANDA SA REHABILITASYON
Dagdag pa ng pari, pinaghahandaan din ng social arm ng simbahan ang rehabilitation at restoration program lalu na mga taga-Batangas na nasira ang mga bahay at nasalanta maging ang mga kabuhayan.
“Nasa relief operations pa tayo. Pero naghahanda rin tayo para sa rehab. Bahagi yan’ e relief, rehab and restoration na makabalik sa normal na kalalagayan ang mga biktima ng kalamidad,” ayon kay Fr. Pascual.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa higit sa 100 libong mga residente sa loob ng 14 kilometer radius permanent danger zone ang inilikas para sa kanilang kaligtasan dahil sa napipintong malakas na pagsabog ng taal.
Sa ulat, may higit sa 100 barangay mula 12 bayan sa lalawigan ng Batangas ang pangunahing naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Taal.