172 total views
Nagpahayag ng suporta si Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez kay Department of Environment and Natural Resources Secretary Regina Lopez, kasunod ng pahayag nitong pipigilan ang pagbubukas ng Tampakan mines sa South Cotabato.
Sa ulat nakahandang harapin ni Lopez maging ang kapwa nito kalihim, na si Department of Finance Secretary Carlos Dominguez, isa sa mga part owner ng Sagittarius Mining Inc.
Dahil dito, nanindigan si Bp. Gutierrez na ipagtatanggol ng simbahang katolika ang kalikasan at susuportahan ang adhikain ni Lopez para sa ikabubuti ng nakararami.
“We will support her all the way, until the end of time,” ang pahayag ni Bp. Gutierrez sa Radyo Veritas.
Samantala, nagpaabot naman ng mensahe si Bp. Gutierrez sa mga mining companies, na sa disyerto na lamang mag mina, upang hindi ito makapinsala sa mga lokal na komunidad at sa watershed ng mga kabundukan.
“I am telling them, do not mine in areas, number one which is watershed, number two, where there are so many people especially indigenous people. Perhaps you could mine in desert, where there are no trees, no people. Dun nalang kayo mag mina!” dagdag pa ng Obispo.
Ang Tampakan sa South Cotabato ay itinuturing na isa sa pinaka malaking lugar na may undeveloped copper-gold deposits.
Tinatayang aabot sa 2.94 billion tons ang taglay nitong mineral resource kung saan halos 15 million tons dito ay copper at 18 million ounces naman ang ginto.
Ang tampakan mines naman na bubuksan ng Sagittarius Mines Inc. ay tinatayang makakapag prodyus ng 375,000 toneladang copper at 360,000 ounces ng ginto kada taon sa initial mine-life nitong 17 taon.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang hindi makatarungang operasyon ng pagmimina na isinasagawa ng mga mayayamang bansa sa mga bansa ng nabibilang sa third world countries tulad ng Pilipinas.
Nasasaad sa Laudato Si na pagkatapos ng kanilang mga aktibidad, sa kanilang paglisan ay nag iiwan sila ng malalaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan tulad ng kawalan ng trabaho, mga bayang inabandona, pagkaubos ng likas na pagkukunan, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalugi ng agrikultura at paghahayupang lokal, mga bukas na hukay, uka-ukang burol, maruruming ilog at maliliit na serbisyong panlipunan na hindi na maaaring mapagpatuloy.