247 total views
Pinangunahan ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang Banal na Misa para sa nalalapit na kapistahan ng Sto Nino de Tondo, sa Maynila noong ika-17 ng Enero, 2020.
Sa pagninilay ng Arsobispo, binigyang diin nito ang tunay na paghahari ng Panginoong Hesukristo na hindi dapat palitan ng anumang bagay.
Aniya, malimit na sumusunod sa uso ang mga tao, at nagpapatangay sa impluwensya ng salapi.
Umaasa si Cardinal Tagle na bilang mga mananampalataya, at sa pagdiriwang ng kapistahan ng Santo Niño, ang hari ng sanlibutan, ay hindi mapapalitan ang batang si Hesus sa puso ng bawat isa.
“Wag tayong maging mapagmataas aminin natin may tukso lagi na ang Diyos ay palitan ng ibang hari… Kapag iwinawagayway na saating harapan ang pera, naku po baka ang tunay na Diyos palitan na sasambahin na ang pera. Kapag nagkaroon ng pagkakataon sumikat, maging makapangyarihan baka pati ang Diyos sasabihin natin tumabi-tabi ka nga dyan… Wag palitan ng ibang hari ang Diyos, wag palitan ng ibang hari ang Niño na s’yang nagdadala ng tunay na kagalingan pag hihilom at tagumpay sa kasalanan at kamatayan.”
Ang imahe ng Sto. Niño o ang batang si Hesus ang isa sa mga simbolo at ang nagdala ng pananampalatayang Kristiyano sa Pilipinas noong taong 1521
Ikatlo ng Mayo, 1572 naman nang naitatag ang Sto Nino de Tondo bilang isang parokya sa ilalim ng pangangalaga ng Augustinian Friars.
Samantala nito lamang ikalima ng Pebrero 2019, pormal na itinalaga naman ito bilang isang Archdiocesan Shrine, ang ika-limang pang arkidiyosesanong dambana sa ilalim ng Archdiocese of Manila.