427 total views
Resulta ng kapabayaan at pagsasawalang bahala ng mga nagdaang administrasyon ang paglaganap ng iligal na droga at krimen sa bansa.
Ito ang binigyang diin ni Dante Jimenez – founding Chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) kung kaya’t malaki ang bilang ng mga nahuhuli at kusang sumusukong drug users at dealers sa kasalukuyan.
Sa kabila nito, nanawagan rin si Jimenez na dapat pa ring maging mapagbantay ang mga mamamayan sa maaaring pang-aabuso maging ng mga otoridad.
“Alam niyo kasalanan ito ng mga past administrations na mga presidente, kaya lumago, dumami ang mga illegal drugs trading, kaya napaka-swerte natin suportahan po natin si Presidente Duterte mismo but of course, atin din pong bantayan at maging vigilant din tayo lalo na pagkat ito po ay nagkakaroon po ng mga pang-aabuso pwede naman po yan isumbong sa mga authorities…” pahayag ni Jimenez sa panayam sa Radio Veritas.
Giit ni Jimenez, maaring hindi tuluyang lumaganap ang bentahan at paggamit ng illegal na droga sa bansa na itinuturo ng pangunahing dahilan sa pagtaas ng bilang ng krimen sa lipunan kung agad lamang itong tinutukan at inaksyunan ng mga nakaraang administrasyon.
Batay sa pinakahuling tala ng PNP, umaabot na sa higit 18-libo ang naaresto dahil sa ilegal na droga, higit 6 na libong indibidwal ang kusang sumuko habang umaabot na sa higit 100 ang kaso ng drug-related killings matapos ang pambansang halalan noong buwan ng Mayo.
Mariing kinokondena ng Simbahang Katolika ang sinasabing gawain lalo na at sinisentensiyahan ng kamatayan ang mga indibidwal na nagkasala ng hindi dumaraan sa tama at legal na proseso na isang paglabag sa kanilang dignidad at karapatan na mabuhay.