236 total views
Tularan ang pagiging bata ni Hesus sa kabila ng mga tukso at pagsubok sa buhay.
Ito ang panawagan ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya sa pagdiriwang ng kapistahan ng Santo Niño na isinagawa sa Sto. Niño de Pandacan Parish, noong ika-18 ng Enero.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang pagmamanipula, pang-aalipin at panghahamak ng kapwa ay hindi pag-uugali ng Niñong si Hesus.
Aniya, kapag ito ang namayani at hindi natularan ang pagiging bata ng Panginoon ay hindi tayo mapapasama sa paghahari ng Diyos.
“Kapag merong manipulasyon ng kapwa, ibig sabihin may nagpapanggap, ako ang mas mataas… kapag may pang-aalipin, mag nagpapanggap na amo, ikaw ay mababang uri. ‘Yang ugali [na yan] hindi pag-uugali ng bata sa paghahari ng Diyos kaya ang dulot n’yan, kadiliman.” Bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Ipinaliwanag ng Kardinal na sa pagsilang pa lamang ni Hesus sa sanlibutan, at ang ugaling dapat tularan sa Santo Niño ay nagdudulot ng liwanag para sa mga naghihirap at mga inaalipin.
Ngayong linggo, ika-19 ng Enero sa ordinaryong panahon ng simbahan ipinagdiriwang ang kapistahan ng Santo Niño.
Aminado si Cardinal Tagle na mahirap magdiwang ng kapistahan gayung nalalaman ng bawat isa ang paghihirap ng mga kababayang apektado ng pagputok ng bulkang Taal sa Batangas.
Sinabi nito na napakahirap maging bata sa sitwasyon ng mga nasa evacuation centers kaya naman hinimok niya ang mananampalataya na manalangin para sa mga biktima ng pagputok ng bulkan.
Naniniwala si Cardinal Tagle na ang karanasan ng mga mamamayang lumikas ang s’yang magtuturo at magpapalalm sa pangunawa ng mamamayan kung paano matutularan ang batang si Hesus na umaasa sa Ama.
“Napakahirap maging bata sa sitwasyon ng mga naaapektuhan ng Taal, kaya sa ating pagdiriwang, ipanalangin natin sila at sa mga kwento nila, sila pa ang magtuturo sa atin paano tumulad kay Hesus, maging bata at umaasa sa Ama.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Simula kahapon, ika-18 hanggang ngayong araw, ika-19 ng Enero ay nagsasagawa ng Second Collection sa lahat ng mga Misa ang buong Archdiocese of Manila, upang makapaghatid ng tulong sa mga biktima ng pagsabog ng bulkang Taal.