184 total views
Hiniling ng Obispo sa pamahalaan ang paglalaan ng trabaho sa libo – libong sumukong drug users at pushers sa bansa.
Ayon kay Apostolic of Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Pedro Arigo, karamihan sa mga drug personalities na sumuko ay biktima ng kahirapan, kawalan ng pag – asa at oportunidad.
Kaya iminungkahi ni Bishop Arigo sa pamahalaan ang pagkakaloob ng sapat na ikabubuhay ng mga ito upang tuluyan nang maiwasan ang kanilang paggamit at pagbebenta ng iligal na droga.
Kasabay nito ay ang pagbibigay sa kanila ng paghuhubog upang magkaroon ng bagong pananaw sa buhay.
“Kung ating titingnan yung kanyang root, yung kanilang pagiging victimize na nagre – resort sa drugs. Kailangan nila bigyan sila ng pag – asa, pag – asa sa buhay at isa sa magandang pag – asa ay makakita sila ng trabaho at hindi lang trabaho kundi mabigyan rin ng formation sa tamang values kung paano ang tamang pananaw sa buhay,” bahagi ng pahayag ni Bishop Arigo sa panayam ng Veritas Patrol.
Sumuko naman kamakailan sa Maguindanao ang nasa mahigit 4 na libong drug dependents na karamihan sa mga ito ay walang trabaho.
Mariin namang tinututulan ng Simbahang Katolika ang paggamit ng iligal na droga dahil sinisira nito ang kinabukasan at pag – asa ng isang tao.