419 total views
Tutulong ang grupong Concern Citizens of Sta. Cruz, Zambales sa rehabilitasyon sa mga lugar na nasira ng mga minahan sa lalawigan matapos suspendihin kamakailan ng Department of Environment and Natural Resources ang operasyon ng mga ito.
Ayon kay Dr. Benito Molino, head concern citizens of Sta. Cruz, Zambales, umaasa sila na makikipagtulungan ang DENR sa kanilang mungkahi upang makabangon na ang mamamayan ng Sta. Cruz sa perwisyong idinulot ng minahan sa kanilang kapaligiran, kabuhayan at kalusugan.
Kabilang sa rehabilitasyon ang pagbibigay kabuhayan sa mamamayan, ang pagbabalik buhay sa mga sapa, ilog at baybaying dagat at ang pagpapagamot sa mga nagkasakit dahil sa polusyong dulot ng minahan.
“Sa Rehabilitasyon, dahil suspensido ang mga mining companies dahil na rin nasira ang kapaligiran, ang karagatan namin, kaya kami ay nag-boluntaryo nang mungkahi kung papaano gagawin ang proposal, gagawin ito sa loob ng isang taon at ito ay tinanggap ng assistant secretary ng DENR at inaasahan natin na ito ay maaprubahan ng DENR, ito ang panukalang rehabilitasyon ng kapaligiran mula sapa, ilog, karagatan, at rehab ng kanilang kabuhayan ng mamamayan, kasama ang mga taong apektado ang kanilang kalusugan, dahil ngayon konting ulan lang, bumabaha, at ang pagkakaroon ng kabuhayan sa mga apektadong mamamayan, at mga manggagawang mawawalan ng trabaho sa pagmimina,” pahayag ni Dr. Molino sa panayam ng Radyo Veritas.
Kabilang sa sinuspinde ng DENR ang operasyon bunsod na rin ng Writs of Kalikasan na ipinalabas ng Korte Suprema ang Benguet Corp Nickel Mines Inc., Zambales Diversified Metals Corp., LNL Archipelago Minerals Inc. at Eramen Minerals Inc.
Lumabag ang nasabing mga kumpanya sa batas ng kalikasan dahil sa environmental degradation, denudation of forests at kawalan ng pondo para sa progresibong rehabilitasyon progressive rehabilitation.
Dagdag ni Molino sa palaisdaan lamang, nalugi na ang mga mangingisda dahil sa bago pa lumaki at hanguin ang mga isda, sugpo at iba pa ay nangangamatay na ang mga ito dulot ng nickel.
Maging aniya ang mga sakahan ay naapektuhan ng pagmimina kung saan nitong nagdaang El Nino nasa higit 2,000 ektarya ng lupain ang dating naaabot ng tubig-irigasyon ay nasa 800 ektarya na lamang.
Aniya, habang sa usapin ng kalusugan, nagkakaroon ng pneumonia, hika at sakit sa balat ang mga residente dahil na rin sa sira-sirang kalsada dulot ng pagmimina na sanhi ng grabeng alikabok na nalalanghap ng mamamayan.
“Sa palaisdaan namamatay ang mga isda, sugpo, hipon, bago lumaki dahil sa nickel, ang mga ilog, sapa, dagat napupuno ng basura ar kemikal kaya yung mga manggisda kailangan pumalaot sa West Philippine Sea para makahuli pag dating dun hinahabol sila ng mga instik, ganun kahirap ang sitwasyon kaya ang mamamayan ngayon hirap makapaghanapbuhay dahil sira din ang kanilang kabuhayan, sa sakahan, halos lahat ng irigasyon-kanal, mga sira kaya noong nagdaang tagtuyot yung inaabutan ng tubig irigasyon na higit 2,000 ektarya ay 800 ektaryan na lamang, sa kalusugan, pulmon, dahil sa alikabok sira-sira ang kalsada dulot ng mina, sakit sa balat, hika,may aksidente pa dahil lubak-lubak ang kalasda,” ayon pa kay Dr. Molino.
Batay sa datos ng Mines and Geosciences Bureau noong 2015, 23 mula sa 44 na mga minahan sa bansa ay nag o-operate sa Caraga Region.
Sa Laudato Si ni Pope Francis mariing kinokondena nito ang mga mapaminsalang minahan dahil sa sinisira nito ang kalikasan, kabuhayan ng mga residente at minsan nagbubuwis ng buhay ng mga inosenteng sibilyan.