415 total views
Ito ang panawagan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mamamayan ng Bohol mula sa banta ng 2019 Novel Corona Virus (nCoV).
Ayon kay Bishop Uy higit na apektado ang lalawigan lalu na ang industriya ng turismo dahil isa ang mga Chinese, na pangunahing lahi na bumibisita sa Bohol.
“Since Bohol largely depends on tourism industry, our people are one of the greatly affected by the NCoV crisis, but I encourage our people to trust in Divine Providence,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Sa tala, malaking bahagdan ng mga turistang dumadalaw sa Bohol ay mula sa mainland China kung saan kasalukuyang ipinatutupad ng pamahalaan ng Pilipinas ang temporary travel ban dahil sa lumaganap na virus na nagmula sa Wuhan City, Hubei province.
Turismo sa Bohol, apektado ng nCoV
Ayon kay Bishop Uy may negatibong epekto ito sa kabuhayan ng mga Boholano lalo’t bumaba ang bilang ng mga turista at marami na rin ang nagkansela ng mga bookings sa mga kilalang hotel at resort sa lalawigan.
“Surely, this will have great negative impact to business and livelihood of our people, but we have no reason to complain,” saad ni Bishop Uy.
Dagdag pa nito na mahalagang unawain ng mamamayan ang hakbang na ipinatupad ng gobyerno sapagkat para ito sa kapakanan ng bawat Filipino na maligtas sa nakamamatay na sakit.
Sa kasalukuyan humigit kumulang sa 400 na ang nasawi bunsod ng nCoV habang libu-libo ang infected sa 27 mga bansa kabilang na ang Pilipinas kung saan ayon sa Department of Health (DoH) dalawa ang kumpirmado sa NCoV at isa rito ang namatay.
Hinikayat ni Bishop Uy ang mamamayan sa lalawigan na magkaisa sa pananalangin upang mapigilan ang pagkalat ng bagong uri ng corona virus.
“As bishop of Tagbilaran, I ask all Boholano faithful to join us in praying daily the Oratio Imperata against the novel corona virus issued by the Catholic Bishops Conference of the Philippines,” ayon pa sa obispo.
Nanawagan din ang pinunong pastol ng diyosesis sa mananampalataya na sundin ang mga paalala ng DOH kaugnay sa paglaban ng nCoV at iwasan ang magpanic at magpakalat ng mga maling impormasyon tungkol sa virus.
Tiwala ang obispo na malalampasan ng bawat isa ang pagsubok na ito partikular sa mga Boholano na dumaan sa iba’t ibang uri ng hamon ng kalamidad at sakuna subalit nanatiling matatag sa tulong ng Diyos.
“We have shown our resiliency and strong determination in times past, and we will surely survive the crisis we are facing at present,” giit ni Bishop Uy.