423 total views
Inihayag ni Novaliches Bishop Roberto Gaa na likas ng Diyos ang mahabagin at mapagkalinga sa sambayanan dahil sa kanyang pag-ibig sa tao.
Ayon sa Obispo, kulang ang buhay ng tao kung aasahan lamang ang sarili at isinasantabi ang Panginoon.
Sa mensahe ni Bishop Gaa sa paglunsad ng Alay Kapwa sa Luzon, binigyang diin nito ang patnubay ng Diyos sa bawat gawain na nagpapatatag sa taunang Lenten program ng social arm ng Simbahang Katolika sa Pilipinas.
“Naging matagumpay ang Alay Kapwa dahil sa likas na habag ng Diyos kung saan tayo nakaangkla,” pahayag ni Bishop Gaa.
Sa mahigit apat na dekada nang Alay Kapwa sa bansa, nagpapatuloy pa rin ang hamon nito sa bawat isa na abutin ang bawat nangangailangang mamamayan partikular na ang mga naisasantabi at mga biktima ng iba’t ibang uri ng kalamidad.
Sa launching ng Alay Kapwa Luzon, sinabi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, chairman ng Catholic Bishops Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action Justice and Peace/Caritas Philippines na higit na pinagyayabong ng mga Filipino ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
Tema ng Alay Kapwa ngayong taon ay ‘Dialogue Towards Harmony na may PagmaMALASAKIT, PagbaBAHAGI, at Pag-aALAY-KAPWA’ kung saan nakabatay din ito sa paksa ng simbahan sa ikalimang sentenaryo ng Kristiyanismo na nakatuon sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang pananampalataya.
Layunin ng programa ang mangalap ng pondo para sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan na nabibiktima ng mga sakuna.
Bilang pakikiisa ng Radio Veritas 846, taun taon din itong nagsasagawa ng Alay Kapwa telethon katuwang ang Caritas Manila kung saan noong 2019 ay nakalikom ito ng humigit kumulang tatlong milyong piso na ibinahagi sa mga nasalanta ng kalamidad sa bansa.