541 total views
Napakahalaga na maipahayag natin ang Mabuting Balita sa ating kapwa sa pamamagitan ng awa na may kaakibat na gawa.
Ito ang inihayag ni Manila archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle kaugnay ng pagsisimula ngayon ng Philippine Conference on New Evangelization 3 sa University of Sto. Tomas Maynila.
Ayon sa kardinal, sa paksa ng PCNE na “Awa, Unawa, Gawa” The Filipino Experience of Mercy, kinakailangang makita muli natin ang mukha ng Diyos kaakibat ang pagiging misyunero ng awa at habag nito.
Iginiit ni Cardinal Tagle na kinakailangan iparamdam ang awa ng Panginoon sa pamamagitan sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga tunay na nangangailangan.
“Paksa natin ang makita muli ang mukha ni Hesus, ang habag, awa ng Diyos at paano tayo mababago at magiging misyunero tayo ng awa ng Diyos, hindi naman sapat na naranasan natin ang awa na ito nang makilala natin siya, sana ang pagkilala natin sa kanya ay mauwi na maging disipulo tayo at misyunero para ipalaganap natin ang kagandahang loob sa ating mundo ngayon.” Pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, dagadg ni Cardinal Tagle, kinakailangan din ang PCNE 3 lalo na ngayon na nabubuhay ang mga kabataan sa mundo ng modernong teknolohiya.
Aniya, sa PCNE 3, ipapamalas nito ang bagong pamamaraan ng paghahayag ng ebanghelisasyon lalo na sa mga kabataan na madalas banggitin noon ng ngayo’y si Saint John Paul II.
“Si John Paul II lagi na siya nanawagan na bagamat ang misyon ng Simbahan kahit kailan at kahit saan ang ebanghelisasyon o paghahayag ng Mabuting Balita sabi niya ang mundo natin nag-iiba kaya kailangan natin bagong pamamaraan at bagong pagpapahayag at mahalaga bagong sigla, hindi naman tayo nag-iimbento ng bagong ebanghelisasyon kundi ng bagong pamamaraan. Halimbawa ang mga kabataan ngayon digital na, paano ka magpapahayag tungkol kay Hesus sa mga kabataang ang komunikasyon digital, paano natin ipapahayag ang awa ng Diyos sa mga taong nakaranas ng hirap na parang walang naawa sa kanila, ito ang ating bigyan ng tuon.” Ayon pa sa Kardinal.
Tatlong araw ang PCNE 3 na magtatapos sa July 17.
Matatandaang pinangunahan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagpapalaganap ng awa at habag sa mga nangangailangan nang personal itong bumisita sa Pilipinas noong Enero ng 2015 para iparamdam ang kanyang pakikiramay sa may 16 na milyong indibidwal na naapektuhan ng Super Typhoon Yolanda na tumama sa bansa noong Nobyembre ng 2013.