30,966 total views
Ito ang hamon ng Kanyang Kabanalan Francisco sa ika-28 taon ng paggunita sa World Day for the Sick ngayong ika-11 ng Pebrero 2020.
Paliwanag ni Fr. Dan Cancino, M.I., executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Health Care, ngayong ang buong mundo ay sinusubok dahil sa paglaganap ng Novel Corona Virus (nCoV), hamon ng Santo Papa ay muling nagpangibabaw sa kahalagahan ng buhay ng tao, at ang pagtrato dito ng tama lalu na ang mga may karamdaman na naisasantabi sa lipunan.
“Ang buong mundo ay hinahamon ng Novel Corona Virus na ito, at iba’t-iba pang hamon sa kalusugan, sa buhay, sa relasyon, magandang balikan natin ang World Day of the Sick na pinapamutawi ang kahalagahan ng tao. Sana imbis na tayo ay mag-politics, pansariling kapakanan ang iniisip, magandang i-humanize natin ang ating mga services,” pahayag ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.
Dagdag pa niya, mahalaga din ang pagkilala at pagsuporta sa mga taong nangangalaga sa mga may sakit, mga doktor at nurse, mga eksperto at siyentipikong nag-aaral upang mabigyang lunas ang mga karamdaman.
Sa huli, sinabi ng pari na mananatili ang paninindigan ng simbahan at hindi ito titigil sa pakikilahok sa usapin na may kaugnayan sa kalusugan, buhay ng tao, pamilya, relasyon sa kapwa at sa kalikasan.
Aniya ang mga nagaganap na nakakaapekto sa kalusugan ng tao ay may kaugnayan din sa kung paano tratuhin ng tao ang kalikasan.
Naniniwala si Fr. Cancino na magandang balikan ng bawat isa ang pagiging kaugnay ng tao sa kalikasan, at ang pangangalaga din dito bilang nag-iisang tahanan na ipinagkaloob ng Panginoon.
“Ito din ay connected sa kalikasan natin at ngayon na naapektuhan ang ating kalusugan kung pano rin natin alagaan ang ating kalikasan ang ating ginagalawang mundo. Itong World day of the Sick katangi-tangi dahil ngayong 2020 napakaraming nangyayari sa ating bansa. Magsama-sama tayo, ito’y hindi kaya ng isang kagawaran lang, simbahan lang, ito yung panahon na magkaisa, magsama-sama tayo bilang isang sambayanan, bilang isang mundo.” Dagdag pa ni Fr. Cancino sa Radyo Veritas.