431 total views
May mga ilang araw na kapanalig, na kapansin pansin ang haze o maruming kalawakan sa Metro Manila. Marami nga ang nag-aakala na ito ay bunsod pa rin ng abo mula sa pagputok ng Taal Volcano. Ngunit lingid sa kaalaman ng marami, maruming hangin ang pumaimbabaw sa ka-Maynilaan nitong nakaraang mga linggo kaya hazy ang kalangitan nitong nakaraang mga araw.
Ayon sa mga eksperto, poor quality o mababang kalidad ang hangin sa Metro Manila nitong nakaraang mga araw, partikular na nitong mga huling linggo ng Enero. Umabot ng 63 hanggang 65 micrograms per cubic meter ang air pollutants syudad. Mapanganib sa kalusugan ito kapanalig. Ayon nga sa World Health Organization, ang pamantayan o standard ay nasa 25 micrograms lamang per cubic meter.
Hindi natin inaalintana ito masyado, lalo pa’t nasanay na tayo sa dumi ng hangin ng syudad. Pero dapat mabahala tayo dito kapanalig, dahil ang maruming hangin, nakakamatay. Sa buong mundo, ang maduming hangin ay isa sa pangunahing dahilan ng mga sakit sa buong mundo. Ilan sa mga ito ay sakit sa puso, stroke, chronic obstructive pulmonary disease, lung cancer, pati mga respiratory infections in children.
Ayon nga datos ng WHO, umaabot ng 4.2 million ang bilang ng mga kamatayan na kaugnay ang maduming hangin.
Ano nga ba ang magagawa natin sa maruming hangin sa ating paligid?
Kapanalig, kahit na karaniwang Filipino tayo, marami tayong magagawa para makatulong tayo sa paglinis ng hangin sa atin. Unang una, dapat nating maunawaan na ang pag-gamit natin ng enerhiya ay may malaking ambag sa paglala ng kundisyon ng hangin sa ating paligid. Ang enerhiya kasi, gumagamit ng krudo, na kapag sinusunog, nandurumi ng hangin.
Ang pag-gamit din ng sasakyan, nakakarumi ng hangin. Krudo kasi ang gamit nun, at kung sinusunog, dinudumihan din ang kalawakan. Kaya kung mababawasan ang trapiko sa atin, malaking kaginhawaan yan para sa ating kalangitan.
Ang ating hangin ay libre, ngunitkung dinudumihan natin ito ng tuwina, magbabayad tayong lahat ng mahal, katumbas ng ating kalusugan, katumbas ng ating buhay.
Kapanalig, ang ating pagtrato sa ating kapaligiran ay sumasalamin kung gaano natin binibigyang halaga ang ating sariling buhay.
Kagaya ng pahayag sa Caritas in Veritate, “Ang paraan ng pakikitungo ng sangkatauhan sa kapaligiran ay nakakaimpluwensya sa paraan ng pagtrato nito sa sarili, at kabaligtaran.” Tunay sana nating maunawaan ang mga katagang ito, at isabuhay natin upang malasap naman natin ang sariwang hangin at malusog na pangangatawan.