198 total views
Nagpalabas ng bagong panuntunan ang Diocese of Hongkong para sa ilang gawain ng simbahan bilang hakbang sa pag-iwas ng lumaganap na 2019 Novel Corona Virus (NCoV).
Sa inilabas na abiso ng Chancery batay na rin sa kautusan ni Cardinal John Tong hinimok nito ang mananampalataya na umiwas sa malalaking pagtitipon at sa matataong lugar upang maiwasang mahawaan NG sakit.
Hinikayat ng diyosesis ang mananampalataya na pansamantalang manuod na lamang ng pagdiriwang ng Banal na Misa tuwing Linggo sa webcast sa www.catholic.org.hk at tumanggap na lamang ng komunyong espiritwal.
Mariin ding pinagbabawalan ng diyosesis ang pagdalo sa mga misa ng mananampalatayang nagmula sa mga lugar na higit apektado ng NCoV tulad ng Wuhan China at iba pang lugar na apektado, sa halip ay makiisa na lamang online mass sa kanilang tahanan o mga quarantine areas.
Bagamat walang pagbabago sa mga schedule ng misa sa mga parokya, hinimok nito ang mga dadalo na magsuot ng face masks, sunding mabuti ang proper hygiene na iminungkahi ng mga health officials at panatilihin ang wastong distansya sa pagitan ng mga katabi.
Hinimok ni Cardinal Tong ang mananampalataya na patuloy manalangin sa Panginoon na iadya ang kanilang rehiyon sa epekto ng NCoV kung saan sa pinakahuling ulat umabot na sa 18 ang kumpirmadong kaso.
Nauna na ring nanawagan si Balanga Bishop Ruperto Santos sa mahigit 200-libong Overseas Filipino Workers sa Hongkong manatiling nakaalerto at malinis sa pangangatawan upang makaiwas sa posibleng pagkahawa ng NCoV.