173 total views
“Hayaan munang gawin ng gobyerno ang tungkulin nito.”
Ito ang reaksyon ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs sa usapin na nananahimik ang Simbahang Katolika sa mga usapin ng
katiwalian sa pamahalaan.
Kaugnay nito, ayon pa kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng komisyon, hindi trabaho ng Simbahang Katolika ang mag-imbestiga sa mga nagaganap na katiwalian sa pamahalaan.
Ayon sa pari, ang gobyerno ang dapat magsagawa ng mga imbestigasyon lalo na at mga empleyado at opisyal nila ang mga nasasangkot sa korupsyon.
Dagdag ni Fr. Secillano, hindi nangangahulugan na tahimik ang Simbahan ngayon sa mga usapin dahil sa ayaw na nitong makialam kundi nananahimik ito at hinahayaan lamang muna ang pamahalaan na gawin ang kanyang tungkulin.
Ayon kay Fr. Secillano, nakaantabay pa rin ang Simbahan at kung may mga pagkakamali ang gobyerno, patuloy nitong pupunahin para maging tama.
“Uulitin ko para sa pananaw ng taong bayan hindi trabaho ng Simbahan na imbestigahan ang mga sangkot dito, trabaho ng pamahalaan yan, but the Church is offering his voice na sana magkaroon ng imbestigasyon to get to the bottom of the whole case and then for the sake of truth and for the sake of justice hindi lang for the sake of legislation,” pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon pa sa pari, nag-iingat lamang ang Simbahan na magsalita o pumuna ngayon lalo na ito ay name-misinterpret na ng iba kaya’t hinahayaan na lamang muna nito ang gobyerno na kumilos gaya ng pag-iimbestiga sa katiwalian.
“Kailangan talaga imbestigahan yan dahil maraming alegasyon na may issues sa funds, naging source of corruption pa ang nangyari sa Leyte, para ang tao malaman. Pangalawa, ang mga dapat benepisyaryo niyan ay mabigyan din talaga ng serbisyo, at kung sino ang dapat managot papanagutin nila dahil malaking kasalanan yan sa taong bayan. The Church is being prudent about all this matters, yung pag-iimbestiga kasi gawain ng pamahalaan yan, ang Simbahan o ang mga obispo, gagawin lang naman yan kapag may maling nangyayari pwede sila magsalita, pero napapasama sila kasi ang pananaw nila tayo ay nakikisangkot at nakikialam at negatibo na ang pananaw ng taong bayan,” ayon pa sa pari.
Pahayag ito ng pari kaugnay sa ulat na bilyong-bilyong pisong pondo para sa Yolanda rehabilitation ang hindi nagamit kung saan batay sa report ng Foreign Aid Transparency Hub, tumanggap ang Pilipinas ng $386 bilyon (P18-bilyon) para sa sinalanta ng bagyo.
Umaasa naman si Fr. Secillano na sakaling maimbestigahan kung saan napunta ang pondo para sa mga biktima ng bagyong Yolanda, nawa ito ay para sa katotohanan at pagkakaroon ng katarungan.
“Kung magkaroon man ng imbestigasyon sana hindi maging partisan para hindi maging pamumulitika, ang sitwasyon kasi natin medyo hati pa, meron talagang supports pa ng dating administrasyon, in aid of the truth and justice hindi lang in aid of legislation, katotohanan ang mailabas,hustisya maibigay talaga sa ating mga kababayan, dapat may mag-initiate na mga senador o sinuman man para maisakatuparan ito, kasi tayo sa Simbahan labas tayo diyan hindi tayo makakapag-imbestga ng ganun lamang, sangkot dito mga kawani ng pamahalaan so therefore it should be the government to take charge of this,” Pahayag pa ni Fr. Secillano.