181 total views
Ikinatuwa ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang ulat na magiging simple ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo -25.
Ayon sa arsobispo, natanggap niya ang balita na wala na ang nakagisnang ‘fashion show’ at ‘red carpet’ sa mga opisyal na dadalo sa pagtitipon.
Pahayag ni Archbishop Cruz, dating Pangulo ng CBCP o Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang pagiging simple ng administrasyon ay isang halimbawa o modelo para sa mahihirap.
“Wala na raw fashion show wala ng red carpet which is very good, I think that is correct kasi yung mga nagdaang administrasyon naku po nanay ko kapag dumating naka may suot diyamante, nakakahiya sa mga maralita makitang ganung karangya pala ang mga pulitiko. Sa pagkakataong ito business attire lamang ang ipinapayo sa kanila, maganda yan,” pahayag ni Archbishop Cruz sa panayam ng programang Veritas Pilipinas sa Radyo Veritas.
Una nang hinimok ng arsobispo ang mga nagdaang administrasyon lalo na ang Aquino administration na magpakita ng simpatiya sa mga mahihirap na Pilipino sa kanyang SONA.
Sinabi ni Cruz na manhid o walang pakiramdam sa kondisyon ng mga tao ang mga mambabatas na tila nagpa-fashion show tuwing SONA.
Ayon pa kay Cruz, makikita ang kaibahan nang nagaganap sa loob at labas ng Batasan kung saan makikita ang gunit-gunit at maduduming damit na ang sariling SONA ay katotohanan kaya’t dapat pakinggan.
Tinatayang nasa 250 ang mga mambabatas sa bansa na dadalo sa unang SONA ni President Duterte kasama ang kani-kanilang mga kabiyak at kapamilya, mga miyembro ng gabinete ng administrasyon, mga diplomat at iba’t—ibang sektor.