308 total views
Nasasaad sa sulat sa unang Corinto kabanata pito talata dalawa na mag-ingat sa makasalanang pagtatalik.
Pinaalalahanan ng pinuno ng Episcopal Commission on Women ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan partikular ang mga magulang na paigtingin ang pagturo sa kabataan sa paggalang sa sarili kabilang na ang usaping sekswal.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, Chairman ng komisyon, malaki ang gampanin ng mga magulang upang magabayan ang kabataan lalo na sa maseselang usapin.
“Teach them that sex is sacred, respect oneself by not engaging premarital sex,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Ang tugon ng obispo ay kaugnay sa tumataas na kaso ng pagbubuntis ng mga kabataang edad 10 hanggang 14 na taong gulang batay sa ulat ng Commission on Population and Development.
Ayon sa POPCOM 63 porsyento ang itinaas ng bilang ng mga kabataang nanganganak sa nasabing age bracket kumpara noong 2018.
Binigyang diin din ni Bishop Varquez na dapat masubaybayan ang kabataan sa mga aktibidad gamit ang social media at internet na lantad sa pornograpiya.
Iginiit ng obispo na labag sa katuruan ng Diyos ang pakikipagtalik na labas sa sakramento ng pag-iisang dibdib.
Pinaalalahanan nito ang kabataan na iwasan ang pagiging mapusok sapagkat kaakibat ng tunay na pagmamahal ay ang pagsasakripisyo at kahandaang maghintay sa wastong panahon.
“True love waits knows how to sacrifice; premarital sex is a sin,” giit ni Bishop Varquez.