204 total views
Ligtas ipagpatuloy ang mga gawain ng simbahan ngayong panahon ng Kuwaresma.
Ito ang pagtiyak ng Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) kaugnay sa banta sa kalusugan ng COVID 19 ngayong paparating na holy week.
Sa panayam ng Radyo Veritas, nilinaw ng grupo na walang banta sa kalusugan ang pagpapatuloy ng gawaing simbahan dahil wala namang kaso ng local transmission sa bansa.
Sinabing PSMID na ang mga gawaing simbahan tulad ng mga prusisyon at prayer meeting ay ligtas kung susundin ang mga abiso tungkol sa kalinisan tulad ng paghuhugas ng kamay, pagtatakip ng bibig at paggamit ng face mask tuwing umuubo.
Nauna nang nagpahayag si CBCP-Vice President at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na hindi kinakailangan suspendihin ang mga gawaing simbahan sa Pilipinas lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma.
Naglabas na rin ng circular si Cubao Bishop Honesto Ongtioco upang paalalahanan ang mga parokya sa mga pag-iingat na dapat gawin ngayong nalalapit na panahon ng kuwaresma.
Nagbigay din ng abiso ang CBCP na dasalin sa lahat ng banal na misa ang Oratio Imperata laban COVID-19.