8,441 total views
Nagpalabas ng karagdagang panuntunan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga gawain sa kuwaresma at semana santa bilang pag-iingat laban sa pagkalat ng corona virus disease (COVID 19).
Ito rin ay batay sa rekomendasyon ni CBCP – Episcopal Commission on Liturgy Executive Secretary Rev. Fr. Genaro Diwa alinsunod sa kautusan ng World Health Organization.
Sa Miyerkules ng Abo, sa halip na ipahid ito sa noo ng mananampalataya ay ibubudbod na lamang ito sa ulo kasabay ng pag-usal ng mga panalangin batay sa nasasaad sa General Instruction of the Roman Missal.
Paliwanag ng CBCP na sa binyag, pinahiran ng langis sa ulo ang mananampalataya, kung kaya’t ang paglalagay ng abo sa ulo ay tanda ng pagbabalik loob na nakabatay sa lumang tradisyon ng Simbahan.
Sa Biyernes Santo naman ay hinimok ang mananampalataya na mag-genuflect na lamang at mag-bow sa harapan ng krus sa halip na humalik o humawak pa dito.
Nauna nang nagpalabas ng kautusan ang ilang diyosesis tulad ng Caloocan at Cubao bilang pag-iingat sa mamamayan laban sa COVID 19.
Patuloy pa rin ang paalala ng Simbahan sa sa mananampalataya sa pagpapanibago sa buhay kristiyano sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga corporal works of mercy.
Ang mga ipatutupad ng pag-iingat ng simbahan sa banta ng COVID 19 ay bahagi ng kawanggawa kung saan iniingatan lamang ang kalusugan ng mamamayan.(Norman Dequia)