259 total views
February 24, 2020 11:58AM
Mananatili ang nakaugaliang paraan ng pagpapahid ng abo sa mga mananamapalataya sa Diocese of Boac.
Ito ang inihayag ni Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. kaugnay sa karagdagang panuntunan na iminumungkahi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang pag-iingat sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 sa paggunita ng Miyerkules De Abo sa ika-26 ng Pebrero.
Ayon sa Obispo, bukod sa pagiging tradisyunal ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Marinduque ay wala ring anumang kaso ng Coronavirus Disease 2019 sa isla na dapat na pangambahan ng mga mamamayan.
“Well sa amin hindi siguro, una very traditional ang aming Simbahan, second wala naman kaming case dahil kami naman ay isla hindi naman kami masyadong dayuhin and then we have no cases yet of the COVID 19 virus. So I don’t think we need to panic in that sense sa amin…”pahayag ni Bishop Maralit sa panayam sa Radyo Veritas.
Inihayag ng Obispo na maging ang sanggay ng Department of Health sa lalawigan ay wala ring anumang abiso kaugnay sa nasabing sakit na dapat na ipangamba at ikonsidera ng Simbahan kaugnay sa nakatakdang paggunita ng Miyerkules De Abo.
Nilinaw naman ni Bishop Maralit na magkakaiba ang sitwasyon sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa na dahilan ng pag-iingat ng mga Obispo sa iba’t ibang lugar.
“Naiintindihan ko yung ibang Obispo because of the dami ng tao at metropolitan ang situation nila but since we are very provincial and then insular hindi masyadong concern sa amin as katulad sa ibang lugar…”Dagdag pa ni Bishop Maralit.
Bukod sa pagbubudbod ng abo sa bumbunan, pag-iwas sa paghahawak kamay sa pagdarasal ng Ama Namin, at ang pagyuko bilang pagbati sa kapayapaan ay bahagi din ng panawagan ng CBCP ang pananalangin sa kagalingan ng mga nagtataglay ng sakit.
Ang Miyerkules ng Abo ang hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kwaresma o ang 40 araw na paggunita ng pagpapakasakit, pagpapapako sa Krus, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus sa Krus upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.