261 total views
Nawa ang panahon ng Kwaresma ay mabunsod ng pagbabalik loob ng bawat mananampalataya kay Kristo.
Ito ang panalangin ni Manila Apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo sa pagsisimula ng 40 araw ng Kwaresma na magsisimula ngayong Miyerkules de Abo.
“Tulungan N’yo po kami na makapagsisi sa aming mga kasalanan na maging matatag sa aming pagtitimpi sa aming sarili, maging mapagbigay sa aming pakikipag-isa sa aming kapwa at mas maging malapit sa Diyos sa pamamagitan ng aming panalangin,” bahagi ng panalangin ni Bishop Pabillo.
Bahagi ng panawagan ng simbahan sa mananampalatayang Katoliko ang pagninilay, pag-aayuno, pagdarasal gayundin ang pagkakawanggawa bilang pakikiisa sa buhay, pagsasakrispisyo at ang tagumpay ni Hesus para sa kapatawaran ng sangkatuhan.
Panalangin din ng obispo na bawat isa ay maging matatag sa pagtitimpi, makapagsisi ng kasalanan upang higit pang mapalapit sa Panginoon.
Ang kwaresma ay ang 40 araw na paghahanda para sa Mahal na Araw at sa paggunita ng muling pagkabuhay ni Kristo.