798 total views
Sa pagbubukas ng panahon ng Kuwaresma, nagpahayag ng pakikiisa ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa paninindigan ng Diocese of Antipolo at Prelature ng Infanta laban sa proyekto ng pamahalaan na Kaliwa Dam.
Sa inilabas na pastoral letter na may titulong ‘I look up to the Mountains’, hinimok ng CBCP ang pamahalaan na itigil ang pagpapatayo ng dam.
Sa halip ayon pa sa pahayag ng CBCP ay humanap na mas akmang tugon sa lumalalang problema ng kakapusan ng suplay ng tubig sa Metro Manila na base na rin sa mungkahi ng mga eksperto.
“We, therefore, call on the concerned government agencies and other proponents of the Kaliwa Dam project to stop the implementation unless proper review is done to correct its flawed procedures. For the sake of the common good, we strongly recommend that ecologically sustainable alternatives be carefully considered, as proposed by experts in responding to the challenges of the water crisis in Metro Manila, without destroying the precious culture and sustainable future of our Dumagat-Remontados tribes.”
Una nang inihayag ni Antipolo Bishop Francisco De Leon ang panganib ng itatayong dam sa komunidad ng mga katutubong naninirahan sa Dumagat-Remontados sa kabundukan ng Sierra Madre.
Nasa mahigit 300 ektarya rin ng kagubatan sa Sierra Madre ang maaaring lumubog sa tubig na ikapapanganib naman ng 126 na wildlife sa kabundukan.
Idineklara rin ang mga lugar na maapektuhan ng dam bilang protected biodiversity na napapaloob sa National Integrated Protected Area System (NIPAS) Act of 1992 at NIPAS of 2018.
Kinondena naman ng CBCP ang pambabanta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hukom na magtatangkang maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagtatayo ng dam.
Hulyo 2018 nang maglabas ng pastoral letter si Infanta Bishop Bernardino C. Cortez ng “No to Kaliwa Dam, Yes to Alternative Sources of Water”.
Kinondena rin ng Santo Papa Francisco sa kanyang ‘Laudato Si’ ang ginagawang pagpapalayas sa mga katutubo sa kanilang ancestral lands, dahil sa pagpapapasok ng mga negosyo tulad ng plantasyon at mga pagmimina kung saan isa sa halimbawa ay ang Amazon region. (Cindy Gorospe)