193 total views
March 11, 2020, 12:42PM
Hinikayat ng pinuno ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Biblical Apostolate ang mananampalataya na maging alerto at sundin ang payo ng mga eksperto sa pag-iwas sa Corona Virus Disease 2019 o COVID 19.
Ayon kay Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud, maliban sa pakikiisa sa paglaban sa virus mahalagang mag-ingat ang bawat isa sa pagpapanatili na malinis at malusog na pangangatawan.
“Dapat more mindful tayo on how we respond to this challenge pero mahalagang maging maingat tayo,” pahayag ni Bishop Bancud sa Radio Veritas.
Pagbabahagi ng Obispo na sinusunod sa kanilang diyosesis ang panuntunang unang ibinigay ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines lalo na sa pagsasagawa ng mga gawain ng simbahan upang protektahan ang kalusugan ng mananampalataya.
Ang mensahe ni Bishop Bancud, chairman ng CBCP-ECBA ay para na rin sa mananampalatayang nakaugaliang gawin ang pabasa tuwing kuwaresma na inaabot ng magdamag.
Makipagpulong naman ang mga pari, religious leaders, at layko ng diyosesis ng Cabanatuan sa mga kinatawan ng provincial health office upang magabayan sa nararapat gawin sa pangangalaga ng kalusugan ng bawat isa lalo’t nalalapit ang Mahal na Araw.
Bilang pakikiisa ng Radio Veritas sa mga hindi makadadalo sa mga pagtitipon ngayong Mahal na Araw, hinimok nito ang mamamayan na makinig sa Veritas 846 at umantabay sa Veritas846.ph Facebook page na maghahatid live ng mga gawaing simbahan sa Mahal na Araw.