243 total views
March 11, 2020, 1:45PM
Inaanyayahan ni Healing Priest Reverend Father Joey Faller ng Kamay ni Hesus ang mananampalataya na makiisa sa gaganaping healing mass sa chapel ng Radio Veritas sa ika – 16 ng Marso araw ng Lunes.
Inihayag ni Father Faller na mahalaga ang sama-samang panalangin ng mananampalataya upang malupig ang lumaganap na corona virus na malaking banta sa kalusugan ng mamamayan.
“Mga Kapanalig kayo po ay aking inaanyayahan sa isang healing mass po dito sa Radio Veritas sa Lunes po yan March 16; at damhim natin ang pagpapala at kagalingang ipagkakaloob ng Diyos,” imbitasyon ni Fr. Faller.
Ayon sa Pari, sa bisa ng panuntunang inilabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na ipinagbabawal ang paghahawak kamay, ginagawa nito ang pagkukrus sa noo at pagpapahid ng langis sa kaniyang healing session taliwas sa nakaugaliang hinahawakan ang mga kamay habang nanalangin ito.
Paliwanag ni Fr. Faller bagamat mabilis at bahagyang iniba ang paraan ng pag-pray over, hindi naman ito nakababawas sa pagkakataong maranasan ng tao ang kagalingang inaasam – asam.
“It’s not the time we spent, not the quantity of time but the quality of time and your faith in God that matters alot,” giit ni Fr. Faller.
Ibinahagi pa ni Fr. Faller na mas dumami ang mga debotong nagtutungo sa Kamay ni Hesus at dumadalo sa mga healing masses na patunay na ang mga simbahan ay kanlungan ng mga humuhiling ng kaligtasan at kagalingan.
Hamon ng healing priest sa bawat isa ang pagtutulungan sa pagsugpo ng virus na nakaapekto sa mahigit isandaang libong mamamayan sa mundo at ikinasawi ng halos apat na libong indibidwal na karamihan mula sa China kung saan nagsimula ang COVID 19.
Sa mga hindi makadalo sa healing mass sa Radio Veritas sa Lunes, alas dose ng tanghali ay hinimok ni Fr. Faller ang pakikinig sa veritas 846 at manuod sa Facebook live streaming upang maabot at madama ang biyaya ng Diyos gamit ang media.
“Kung hindi po kayo makarating sa Veritas chapel physically, magtune-in lang po sa Radyo Veritas 846, at sa pamamagitan ng radyo sana’y gamitin tayo ng Panginoon kasama ang inyong lingkod lalo’t higit ang inyong pananampalataya para anumang karamdaman mapagaling ng Panginoong Diyos,” saad ni Fr. Faller.