210 total views
March 11, 2020, 12:56PM
Inihayag ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy na malaki ang tiwala ng Kanyang Kabanalan Francisco kay Cardinal Luis Antonio Tagle na magampanan ang bagong tungkulin nito sa isa sa mahahalagang tanggapan ng Simbahang Katolika.
Ayon sa obispo ang Cardinal ay nagtataglay ng kababaang loob at katapatan sa mgha tungkuling iniatang sa kanyang pangangalaga partikular ang pagiging Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples.
“Cardinal Tagle enjoys Pope Francis’ trust and confidence. He is a model of humility, kindness, integrity and holiness,” pahayag ni Bishop Uy.
Ang pahayag ng obispo ay kasunod ng mga alegasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na inalis ng Santo Papa si Cardinal Tagle bilang arsobispo ng Maynila dahil sa pakikisangkot sa pulitika.
Sa talumpati ng pangulo sa isang pagtitipon sinabi nitong ikinagalit ni Pope Francis ang pangingialam ng Cardinal sa usaping pulitikal sa bansa kaya inilipat ito sa Vatican.
Ayon naman kay Fr. Jerome Secillano, ang Executive Secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng CBCP, malinaw na pang-iintriga lamang ang mga pahayag ng punong ehekutibo laban kay Cardinal Tagle.
“Insinuating something on the reason for his appointment to a Vatican post apart from his qualities and capability to lead that position is simply twisted and reeks of intrigue,” ayon kay Fr. Secillano.
Disyembre ng nakalipas na taon nang italaga ni Pope Francis si Cardinal Tagle bilang Prefect for the Congregation of the Evangelization of Peoples na isang mahalagang tanggapan sa Vatican na mangangasiwa sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Panginoon.
Binigyang diin naman ni Bishop Uy na dapat ipagmalaki ng bawat Filipino ang pagkakatalaga ng Cardinal sa Vatican sapagkat patunay ito sa kakayahan ng mga Filipino na maglingkod sa pandaigdigan.
“Every Filipino (regardless of religion) should be proud of him; I am a personal witness to his exemplary intelligence and Christian virtues,” saad ni Bishop Uy.