247 total views
Higit na magtiwala sa Diyos sa gitna ng mga bantang kinakaharap sa lipunan.
Ito ang binigyang diin ni Reverend Father Arlo Yap sa pagninilay sa misang ginanap sa Radio Veritas Chapel nitong Huwebes, ika-12 ng Marso.
Ayon sa pari nawa’y matutuhan ng bawat mamamayan ang pakikinig at pagsunod sa mga payo na ibinibigay ng mga eksperto hinggil sa corona virus disease 2019 (COVID 19) dahil marahil ito ang paraan ng Diyos upang maiadya ang sangkatauhan sa pagkahawa ng nasabing sakit.
“Walang pinakamagandang gawin bilang tiwala sa Diyos; pakinggan natin ang sinasabi ng mga taong may kredibilidad,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Yap.
Unang pinagtuunan ng pansin ni Fr. Yap ang payo na ugaliin ang paghuhugas ng kamay, paggamit ng 70% alcohol hand sanitizer at maging ang pagsunod sa mga panuntunang inilabas ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines bilang pag-iingat sa kalusugan ng mga mananampalataya.
Ibinahagi ng pari na mas pinalalalim sa kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa buong mundo ang pananalig at pagtitiwala sa Diyos na marahil sinusubok lamang ng Panginoon ang puso ng bawat tao kaya’t mahalagang manatiling nakakapit sa Kanya.
“Kung tayo’y may inaasahan sa Diyos, don’t give up your faith,” dagdag pa ng pari.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health nasa 49 na ang nagpositibo ng COVID-19 sa Pilipinas kung saan dalawa na ang nasawi dahil sa komplikasyon habang higit sa 700 naman ang patuloy na inoobserbahan.
Giit ni Fr. Yap na maaring nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng mga eksperto na maaring makatulong sa bawat isa upang makaligtas sa pagkahawa ng virus.
“Posibleng ang mga warning na ibinibigay ng mga eksperto ay boses ng Diyos,” ayon pa kay Fr. Yap.
Patuloy ang paalala ng Simbahang Katolika sa mamamayan na manatiling alerto at sundin ang payo ng mga kinauukulan at higit ipinalangin sa Diyos ang kaligtasan ng sambayanan.