264 total views
March 13, 2020-12:11nn
Hinihikayat ng social communications ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na muling bumalik sa paggamit ng traditional media sa halip na umasa sa mga impormasyong nagmumula sa internet at social media.
Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr.–chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Social Communications, ito ay upang makaiwas sa fake news na naghahatid ng pangamba at takot lalu na sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Paliwanag ng Obispo, kumpara sa internet at social media mas mapagkakatiwalaan ang mga impormasyon mula sa radyo, telebisyon, at peryodiko.
“I would request people to go back to the traditional media muna and try to see when it comes to COVID, ano yung mga sinasabi ng traditional media because a little bit more they are credible because alam mong hindi sila fake news,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Maralit sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna ng pinaigting ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group ang isinasagawang “cyber patrolling” ng ahensya sa iba’t ibang social media sites upang labanan ang pagkalat ng mga fake news kaugnay sa COVID-19 outbreak.
Mapaparusahan ng anim na buwan hanggang 10-taong pagkakakulong ang mapapatunayang nagpapakalat ng fake news online na maaring magdulot ng takot at matinding pangamba sa publiko.
Matapos na ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte pagtataas ng alert system ng bansa sa Code Red Sub-level 2 sa pagkalat ng COVID-19 ay ipapatupad naman ang Community Quarantine sa buong Metro Manila sa loob ng 30-araw.