227 total views
.
Tiniyak ng Caritas Manila na hindi pinababayaan ng Simbahang Katolika ang sektor ng mga mahihirap sa banta ng corona virus disease 2019 (COVID 19).
Ayon kay Reverend Father Anton CT Pascual, Executive Director ng social arm ng Archdiocese of Manila, mamahagi ito ng mga gamit na makatutulong sa mga mahihirap na pamilya na maproteksyunan laban sa kumakalat na virus.
“Gumawa tayo (Caritas Manila) ng kaunting programa, yung isa Ligtas COVID kit at magbibigay din tayo ng mga pagkain o manna bag,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng pangulo ng Radio Veritas na mahalagang kalingain ng simbahan ang mga mahihinang sektor ng lipunan na walang kakayahang makabili ng mga pangkaraniwang proteksyon laban sa COVID 19.
Nilalaman ng Ligtas COVID Kit ang 70% solution alcohol, mga maliit na bote na pagsasalinan ng alcohol para maaring dalhin ng bawat kasapi ng pamilya partikular ang mga nagtatrabaho, washable facemask, isang litro na anti bacterial liquid soap, reusable gloves, cleaning cloth at isang box ng vitamin C.
Bukod dito, mamahagi rin ang Caritas Manila ng limang kilong bigas, mga delatang pagkain, noddles, mongo at asukal na karaniwang kinokonsumo ng pamilyang Filipino.
Pinaalalahanan ni Fr. Pascual ang mamamayan na huwag mag-panic sa kabila ng mabilis na pagkalat ng virus sa bansa na batay sa huling tala ng Department of Health ay umabot na sa halos 150 ang nagpositibo habang nasa halos isanlibo naman ang people under investigation.
Pinayuhan ng Pari ang mamamayan na panatilihing malinis at malusog ang pangangatawan na mahalagang panlaban sa anumang uri ng virus na nagdudulot ng sakit sa tao.
“Huwag tayong mag-panic harapin natin na maging responsable at itong virus na ito ay lilipas; pero importanteng manatili tayong malusog, at palaging maghuhugas ng kamay,” paalala ni Fr. Pascual.
Hinangaan din ng pari ang malakas na pananampalataya ng mga mahihirap sapagkat nanatili itong kumakapit sa Panginoon na mapuksa ang nakamamatay na COVID 19.