318 total views
Umapela ang Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa iba’t- ibang kongregasyon ng Simbahang Katolika na buksang ang mga kumbento at Simbahan sa mga lubos na nangangailangan tulad ng mga walang tahanan.
Ayon kay AMRSP Co-Executive Secretary Rev. Fr. Angelo Cortez, OFM hindi dapat na manaig ang takot sa pagkakawanggawa lalo na sa pagkalat ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 na una ng idineklara ng World Health Organization na pandemic.
Inihayag ni Father Cortez na maraming paraan upang makatulong tulad ng pagpapakain sa mga mahihirap at pagpapatuloy sa mga walang masisilungan.
Ibinahagi rin ni Fr. Cortez na siya ring National Coordinator ng Justice, Peace and Integrity of Creation Commission (JPICC) ang paglabas sa kumunidad ng mga Fransiskano upang makapagpaabot ng tulong sa mga nasa lansangan.
“Hinihimok naman namin lahat ng mga kongregasyon halimbawa kung pwede nating gawing kanlungan yung mga kumbento, Simbahan natin o kaya kung meron tayong kakayahan na magpakain kasi sa panahong ito ang lalong apektado yung mga kapatid nating mahihirap.Actually kagabi talagang marami sa kanila dahil wala namang bibili, yung mga tao nandoon lang sa ilalim ng tulay, nandoon kung saan sila nakahiga, nag-aantay lang. Hindi kaaya-aya na sa ganitong panahon ng pandemic ay wala tayong ginagawa dahil natatakot tayo…”panawagan ni Fr. Cortez sa panayam sa Radyo Veritas.
Ibinahagi ng Pari ang paglulunsad ng OFM Friars sa St. Anthony Shrine sa Sampaloc, Manila ng Lingap Fransiskano Mobile Kitchen para sa mga homeless o mga taong lansangan na apektado rin ng nagaganap COVID-19 outbreak sa bansa.
Sa pamamagitan ng Lingap Fransiskano Mobile Kitchen, ay nakapagbahagi ng mga lutong Aroz Caldo ang mga OFM Friars sa may 300 indibidwal kabilang na sa mga taong lansangan mula sa Baseco, Legarda, E. Rodrigues, Roosevelt, Balic-Balic at Sampaloc at maging sa ilang mga uniformed personnel na pulis at sundalo na nagbabantay sa mga check points sa siyudad.
“Katulad naming mga Fransiskano kagabi nagpakain kami ng mga homeless dito sa paligid sa Maynila tapos kahit yung mga kapatid nating sundalo at pulis na makita namin na wala ring supply ay tinutulungan din namin…” Dagdag pa ng pari
Sa tala ang AMRSP ay binubuo ng 283 congregasyon, kabilang na dito ang 68 men congregations kung saan 18 kongregasyon ay itinatag dito sa Pilipinas.