237 total views
March 20, 2020, 10:02AM
Ipinanalangin ni Bishop elect Rev. Fr. Moises Cuevas na masugpo na ang paglaganap ng corona virus disease.
Sa panayam ng Radio Veritas sa bagong talagang Auxiliary bishop ng Arkidiyosesis ng Zamboanga, pangunahin niyang ipinagdarasal na tuluyang mapuksa ang virus na pumipinsala sa mahigit 200, 000 indibidwal sa buong mundo habang higit siyam na libong indibidwal ang nasawi.
“I offer prayers for the end of the corona virus, it is my number one prayer and concern right now that we may find solution for this crisis that we are facing,” pahayag ni Bishop elect Cuevas.
Buong kababaang loob na tinanggap ni Bishop-elect Cuevas ang pagtalaga ni Pope Francis sa kanya bilang katuwang na obispo ni Archbishop Romulo Dela Cruz.
Bagamat may agam-agam sa mas malaking tungkuling gagampanan sa Simbahang Katolika, buong pusong tinanggap ng pari ang panibagong misyon para sa Diyos.
“I’m consoled by the fact that it’s not about me but it’s about God; I can only surrender to the will of God,”pahayag ni Bishop-elect Cuevas.
Nagpasalamat naman ito sa mga kasamahang pari na kaisa sa pagpapastol ng mga tupa ng Panginoon at sa mga mananampalataya ng Zamboanga partikular sa iba’t-ibang parokyang kaniyang pinagsilbihan ng halos dalawang dekadang.
Tiniyak naman ni Bishop-elect Cuevas ang suporta kay Archbishop de la Cruz sa pangangasiwa sa buong arkidiyosesis at pagpapastol sa higit kalahating milyong Katoliko sa lugar habang nagpapasalamat din ito sa tiwala na ibinigay na maging katuwang na obispo.
“I would like to thank the archbishop [Archbishop Romulo de la Cruz] for his trust and confidence; I will assist him in administrative and pastoral in the archdiocese,” dagdag nito.
Si Fr. Cuevas ay ipinanganak noong ika – 25 ng Nobyembre 1973 sa Cuenca Batangas na nagtapos ng kolehiyo sa Ateneo de Zamboanga at theology naman sa St. Francis Xavier Regional Seminary of Mindanao.