240 total views
March 21, 2020-10:17am
Patuloy na tumatanggap ng tulong ang Caritas Manila– ang social arm ng Archdiocese of Manila sa mga nais na magbigay ng donasyon para sa Ligtas COVID-19 campaign.
Layunin ng kampanya na makapagbahagi ng tulong sa mga mahihirap na pamilya na labis na apektado ng umiiral na Luzonwide Quarantine.
“With the COVID-19 pandemic, the poor and the elderly are the most vulnerable. In difficult times like this, we are called to open our hearts and be moved to do concrete acts of charity by sharing our resources with those who need it the most,” ayon sa pahayag ng Caritas Manila.
Sa kasalukuyan ay nakapagbahagi na ang Caritas Manila ng Manna food bags sa mga pamilyang naninirahan sa Tondo, Smokey Mountain at Intramuros.
Simula nang inilunsad ang kampanya may higit na sa P7-milyong cash at in-kind donations ang natanggap ng Caritas na siyang gagamitin para sa Manna packs at Ligtas COVID-19 kit sa mga urban poor families.
Tinatayang aabot sa higit 50 milyong populasyon sa buong Luzon ang apektado ng pinalawig na quarantine.
Kabilang na dito ang higit sa limang milyong manggagawa sa Metro Manila na walang inaasahang pagkakakitaan sa buong pag-iral ng isang buwang community quarantine.
“Caritas Manila is calling for cash donations to provide Caritas LIGTAS COVID-19 kits and Caritas Manna bags to 6,000 poor communities and families in Metro Manila.”
Sa mga nais na mag-donate, makipag-ugnayan lamang sa Caritas Damayan-ang disaster risk reduction management program ng Caritas para sa pagpapadala ng tulong sa mga telepono bilang 8562 0020 to 25 local 118, 139, 135, or 09175955083.