241 total views
March 21, 2020-10:57am
Tiniyak ng Diocese ng Sorsogon na patuloy na magsisilbi ang simbahan sa mamamamayan ng lalawigan sa kabila ng banta ng Novel Corona Virus Disease o COVID-19 pandemic.
Ayon sa inilabas na pahayag ng diyosesis, ito ay hindi lamang sa paghahatid ng pangangailangang espiritwal sa pamamagitan ng online mass kundi maging sa kanilang pangangailangan tulad ng mauulam sa hapag kainan.
“This is our smallest way of kindness in alleviating the needs of our poor parishioners who dont have food on their table because of this present crisis. May this act of sharing through alay kapwa program brings hope and joy to everyone,” pahayag ng Caritas Sorsogon.
Ngayong araw (March 21) ay namamahagi na ng isdang mauulam sa bawat parokya ang Sorsogon Social Action Foundation Inc./Caritas Sorsogon lalu na mga pamilyang walang pagkakakitaan.
Hinihiling sa bawat parokya ng maglagay ng mga drop-off point para sa pamamahagi ng pagkain at panatilihin ang pagsunod sa social distancing upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Payo din ng diyosesis na hangga’t maari ay iabot sa bawat tahanan ang tulong upang hindi na magtipon-tipon ang maraming tao na maglalagay sa bawat isa sa panganib sa pagkalat ng virus.
Sa Bicol Region bagama’t wala pang naiuulat na kumpirmadong kaso nang nagtataglay ng virus may higit naman sa 90 libong mamamayan ang naitala bilang persons under monitoring ayon na rin sa regional office ng Department of Health (DoH).