208 total views
March 21, 2020, 12:41AM
Tiniyak ng Caritas Manila, ang social arm ng Archdiocese of Manila na patuloy ang pamamahagi ng simbahan ng tulong sa mga maralitang pamilya na higit apektado sa ipinatupad na enhanced community quarantine sa Luzon ngunit sa tahimik at maingat na pamamaraan.
Ayon kay Reverend Father Anton CT Pascual, Executive Director ng institusyon, sa kasalukuyang sitwasyon higit na kinakailangan ang kalinga ng inang simbahan kaya’t patuloy ang pagkilos nito kaakibat ang maingat na pagsunod sa alituntunin ng pamahalaan.
“Ang Caritas Manila ay nasa forefront ng pagtulong sa mga kalamidad lalong lalo na sa maralitang tagalungsod,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Inihayag ng Pari na nasa apat na libong pamilya sa buong Metro Manila ang pagkakalooban ng tulong ng Caritas Manila ngunit tahimik itong mamahagi sa mga bahay ng bawat benipisyaryo upang maiwasan ang gulo, at pagtitipon ng maraming tao alinsunod sa ipinatupad na social distancing.
Pagtiyak pa ng pangulo ng Radio Veritas na mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng social arm ng arkidiyosesis sa mga Local Government Unit at Barangay na pupuntahan upang masunod ang direktiba ng gobyerno sa pamamahagi ng relief items sa mga benepisyaryong pamilya.
Ayon kay Fr. Pascual, bukas ang Caritas Manila sa lahat ng mamamayan na higit nangangailangan ng tulong maging iba man ang pananampalatayang kinabibilangan.
“Walang discrimination, kahit anong relihiyon o pananampalataya, maging ang mga galit sa simbahan ay bibigyan natin ng tulong,” saad ni Fr. Pascual.
Ilan sa ipamamahagi ng Caritas Manila ang isanlibong halaga ng voucher na maaring magamit sa pagbili ng mga food supplies na kinakailangan, grocery items, at ang Ligtas COVID Kit na kinabibilangan ng alcohol, face mask at gloves.
Ilan sa mga lugar na tutunguhin ng Caritas Manila ang Quezon City, Manila, Mandaluyong at Caloocan.
Nakasuot ng sotana ang mga paring mamahagi ng tulong upang maipadama ang diwa at presensya ng simbahan sa komunidad ng mga maralitang tagalunsod.
“Ito ay tulong ng simbahan upang madama natin ang pag-ibig ng Diyos sa nagmamalasakit sa atin sa panahon ng krisis,” saad ni Fr. Pascual.
Katuwang ng simbahan ang ilang establisimiyento tulad ng Puregold na naglaan ng apat na milyong pisong halaga ng tulong at iba pang mamumuhunan sa pamamagitan ng Catholic Church Network.