233 total views
March 21, 2020-1:21pm
Magbalik-loob sa Diyos at iwaksi ang kasamaan.
Ito ang pahayag ni Bishop-emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mensaheng dala ng New Corona Virus Disease o COVID-19 sa sangkatauhan.
“Ngunit ang inirerekomenda ng Panginoon, iniaatas Niya sa ating lahat hindi n’yo po kasi natin madalas na naririnig. Baka hindi natin maisip man na ang talagang pinakamalalim na lunas ay ang pagbabalik loob sa Diyos at ang pagmamahal sa Kaniya at sa ating kapwa-tao,” bahagi ng homiliya ni Bishop Bacani.
Sa kaniyang online mass sa Radyo Veritas, hinikayat nito ang bawat isa na talikdan ang mga kasalanan-ang pagpaslang, pagkaganid, pagsira sa kalikasan at korupsyon na siya nang sakit na ng lipunan.
“Bumagsak ang stock market, bumabagsak ang business ang ekonomiya. Bumabagsak ang kabuhayan natin. Itanong natin, hindi ba totoo ang sinabi ng Panginoon? Ang iyong pagbagsak ay bunga ng iyong kasamaan,” ayon pa sa obispo.
Sinaaad din sa pagbasa ng ebanghelyo sa kataga ng Panginoon sa Israel na ang kasalanan ang dahilan ng kasakitan at ng pagbagsak kaya’t maliwanag na ang tugon ay ang pagbabalik loob sa Panginoon.
Dagdag pa ni Bishop Bacani, “Iwan ang kasalanan, iwan ang pagmamalaki, iwan ang karahasan, iwan ang pagnanakaw, iwan ang pagpatay, iwan ang korupsyon, mahalin ang Diyos, mahalin ang kapwa.”
Ito ay sa pamamagitan ng pagtugon sa atas ng Panginoon na pananalangin kaakibat ang pagmamalakasakit sa kapwa, pagtutulungan na siyang higit na kinakailangan dahil sa umiiral na krisis dulot ng nakahahawang sakit.
Binigyan diin pa ni Bishop Bacani na ngayon ay nahaharap sa digmaan ang mundo sa nag-iisang kalaban- ang novel corona virus na mapagwawagian sa sama-samang pagtugon ng may pagkakaisa at may pananampalataya sa Panginoon.
Paalala din ng Obispo sa bawat isa na sumunod sa iniaatas ng mga eksperto at ng pamahalaan upang maging katuwang na hindi na kumalat pa ang sakit.