218 total views
March 23, 2020, 2:57PM
Ipinapatupad ng Diyosesis ng Kalookan ang “Adopt a Poor Family” upang matulungan sa kanilang pang-araw araw na pangangailangan ang mga mahihirap na pamilyang apektado ng Luzon wide Enhanced Community Quarantine.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Bise-presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, hindi lahat ay mabibigyan ng tulong ng simbahan kundi dapat na matiyak na mabigyan ng tulong ang mga higit na nangangailangan.
“Yung aming mga mission chaplains, personal ang pakikipag-ugnayan. Kaya sabi ko, magdoor to door tayo sa pinaka-pinaka nangangailangan. Kasi ang maganda sa mga mission stations namin ang mission chaplain nakatira mismo sa slums so nandudoon sila. They know the people, they meet them upclose kilala nila by name,” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ng Obispo na ang pondo ng simbahan hindi galing sa gobyerno kundi mula sa mga individual contributors na gustong tumulong sa pinaka-nangangailangan.
“Kaya ang tulong na mai-extend ngayon ng simbahan is not for everybody kailangan lang tukuyin yung pinaka-nangangailangan.”paglilinaw ng Obispo
Sinabi ng Obispo na ang pagbibigay ng tulong ay napili sa pamamagitan ng mga mission stations ng diyosesis na nakatalaga sa mga slum areas o informal settlers.
Sa kasalukuyan ay mayroong 13 mission stations ang diyosesis na pinangangasiwaan ng mga relihiyoso at mga diyakono na matatagpuan sa mga itinuturing na pinakamahihirap sa komunidad.
ANG SALOT AY HINDI BIYAYA
Nilinaw naman ng Obispo na hindi biyaya ng Panginoon ang COVID-19 o anumang salot na nagdudulot nang pagdurusa ng mamamayan.
Gayunman, nilinaw ng Obispo na dito makikita at lalabas ang kabutihan ng tao sa pagtugon sa pangangailangan ng kaniyang kapwa.
“Ngayon, sa gitna ng salot pwedeng lumabas ang mga blessings at ang paglabas ng blessing hindi yung salot kundi yung response natin dun sa salot. Yun ung tutukan natin ng pansin, at isa ng sa blessings na inilalabas nito ay yung kagandahagn loob ng tao. Kasi both the best of ourselves and the bad of ourselves will come out in calamity situation like this. Sana naman ang lumabas ngayon ay yung the best of ourselves,” ayon kay Bishop David.
Hinikayat ng Obispo ang mga pamilyang dumadalo sa online mass na nagsasagawa ng pag-aalay na ibigay ang kanilang nalilikom sa kanilang kapitbahay na nangangailangan ng kalinga.
CLOSE TENT PARA SA COVID-19 PATIENTS
Humihiling naman ng tulong si Bishop David sa Armed Forces of the Philippines na magbigay ng mga close-tent sa mga ospital para sa mga pasyenteng hinihinalang nagtataglay ng novel corona virus.
“Mayroong request doon sa National Kidney Institute na kung pupuwedeng magtayo sila ng tent. Parang close tent, kasi isang paraan ‘yun for a more effective quarantine. At siyempre naman hindi nila alam kung saang ahensya sila lalapit. Close tent tapos lalagyan ng mga beds bilang quarantine area,” ayon sa pahayag ng Obispo.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang mungkahi ay para na rin sa kaligtasan hindi lamang ng mga health workers kundi maging ng mga pasyenteng may karaniwang sakit na nasa pagamutan lalu na sa emergency rooms at Intensive Care Units (ICU).
Tiniyak ng Obispo, hindi kailanman mahihinto ang simbahan sa kanilang gawain para sa espiritwal at pagkakawanggawa kahit pa pansamantalang ipinatigil ang pagmimisa sa parokya at iba pang pangdiriwang ng simbahan.