253 total views
March 24, 2020, 2:05PM
Tiniyak ng pamunuan ng Philippine General Hospital chaplaincy na kaisa ang mga pastol ng simbahan sa lahat ng mga biktima ng corona virus disease at sa mga frontline health workers sa gitna ng krisis.
Ayon kay Reverend Father Marlito Ocon, SJ ang head chaplain ng PGH, patuloy ang kanilang pakikiisa sa mga medical personel ng institusyon sa laban kontra COVID 19 upang pawiin ang kanilang pangamba at takot na nararamdaman.
“Nandito kami [priest chaplains] hindi lang sa mga pasyente kundi more especially sa ating mga frontliners kasi hindi maiwasan na sila ay matatakot at mangamba dahil sila mismo ay may mga pamilya rin; we continue to accompany them,” pahayag ni Fr. Ocon sa Radio Veritas.
Ayon sa pari, bawat labas ng mga manggagawa ng P-G-H ay kinokonsidera nila ang sarili na person under investigation dahil lantad sa mga pasyenteng kinikitaan ng sintomas ng virus.
Ipinaliwanag ni Fr. Ocon na mula nang ginawang COVID 19 center ng Deaprtment of Health ang P-G-H ay nabawasan ang mga pasyenteng pumupunta rito bilang pag-iingat.
Inihayag ng Pari na tatlong libong katao ang nawala sa out patient department araw-araw habang 200 pasyente naman sa emergency room.
Nagtalaga na rin ng mga lugar ang P-G-H na maaring paglagyan ng mga magpositibo sa COVID 19 upang agad na mabigyan ng lunas.
Nakipagtulungan din ang mga pari ng P-G-H sa pamunuan bilang pag-iingat na mahawaan ng virus at makatutulong sa pagpapahinto sa paglaganap nito kaya’t ipinagbabawal din ang paglapit sa mga taong may COVID 19.
Gayunman, nilinaw ni Fr. Ocon na bukas ang mga pastol ng simbahan na kalingain ang mga pasyenteng mangangailangang tumanggap ng sakramento.
“Kung merong request galing sa person under investigation o PUI na nais tumanggap ng communion or confession or annointing we do it with extra precautions,” giit ni Fr. Ocon.
Bukod sa espiritwal na paggabay ng P-G-H Chaplaincy sa mga pasyente at medical workers, namamahagi rin ito ng mga karaniwang ginagamit pananggalang sa virus.
Sa inisyatibo ni Fr. Ocon, humiling ito sa mga may mabubuting puso ng mga kagamitan tulad ng face mask upang maipamahagi rin sa iba pang manggagawa ng P-G-H.
“Nandito lang kami not only for spiritual accompaniment but we are also providing the basic needs of the hospital like we provided them with a mask, alcohol, some nurses are asking for vitamins; we provided it to all our frontliners,” saad ng pari.
Bukod sa karaniwang mga pangangailangan ng mga medical personel ay namahagi din si Fr. Ocon at mga kasamahan ng mga pagkain para sa halos 500 manggagawa ng P-G-H na puspusan at nakaalerto sa bawat oras upang matugunan ang pangangailangan ng mamamayan.
Tiniyak ng pari na kasama ang bawat isa sa kanyang mga misa at hiling sa Panginoon na matapos na ang pandemic COVID 19 at manumbalik sa normal ang pamumuhay ng mga tao sa buong mundo.