4,399 total views
March 26, 2020-12:11pm
Inaanyayahan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga mananampalataya na makiisa sa gaganapin na Earth Hour 2020 ngayong ika-28 ng Marso, Sabado, sa ganap na 8:30 hanggang 9:30 ng gabi.
Sa Pastoral Instruction na pinamagatang “Let us not put aside care for Mother Earth”, umaasa ang Apostolic Administrator ng Archdiocese of Manila na sa kabila ng enhanced community quaratine bunsod ng coronavirus disease ay makapagnilay ang mga tao upang makita muli ang uri ng pamumuhay na makabubuti sa Inang kalikasan.
“This great concern on the coronavirus, however, may cloud our mind from other important matters that should call our constant attention. I speak most specifically of our care for Mother Earth, our common home. The global damage that COVID 19 does should make concrete to us the global destruction that will come upon us if we do not care for our common home… To home in on us our responsibility to the environment, providentially we have EARTH HOUR this year on Saturday, March 28. In the Philippines this year we will be turning off the light from 8:30 pm to 9:30 pm.”
Inaasahan rin ng Obispo na mas mararamdaman ngayon ng mga Filipino ang diwa at adbokasiya ng Earth Hour dahil ang lahat ay nananatili sa kanilang tahanan.
Matatandaang sa pinatutupad na Enhanced Community Quarantine sa buong Lunzon, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mass transportation at hinihikayat ang lahat na manatili sa kanilang tahanan.
Bukod dito, sarado rin ang mga pabrika at ilang establisyemento dahilan upang mabawasan ang polusyon sa kalakhang Maynila.
Una nang binigyang diin Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos ang pangangalaga sa kalikasan sa kabila ng mga nararanasang pandemya ng mundo.
Ayon sa Obispo, sa katahimikan bunsod ng paglalagi sa ating tahanan ay nawa maintindihan natin na nangungusap ang Panginoon na pangalagaan ang mundo na siyang ating iisang tahanan.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature – isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan kung saan isa sa mga media partner nito ay ang Radio Veritas.
Mula naman sa malakihang aktibidad, ipagdiriwang ngayong taon sa pamamagitan ng Social Media ang Earth Hour 2020.
Tema ngayong taon ang #ChangeTheEnding na naglalayong hikayatin ang mga Filipino na gumawa ng mga hakbang para solusyunan ang kasalukuyang problema sa kalikasan.
Binibigyang diin din nito na bagama’t malaki na ang epekto ng mga makamundong gawain sa pagkasira ng kalikasan ay hindi pa rin huli para kumilos at baguhin ito.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Noong 2019 mahigit 17,900 mga institusyon at establisyimento kabilang na ang mga simbahan mula sa 188 mga bansa ang nakiisa sa pagpatay ng kuryente.
Hinihikayat ng grupo ang mga Filipino na makiisa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga online content at gamitin ang mga hashtags na #EarthHour2020, #Connect2Earth at #ChangeTheEnding.
Nakatakda namang makibahagi ang Radyo Veritas sa Earth Hour sa pamamagitan ng special programming na pangungunahan ni Bishop Broderick Pabillo at Fr. Benny Tuazon, ang Executive Director ng Archdiocese of Manila Ministry on Ecology ganap na 8pm – 10pm ng gabi ngayong Sabado, ika-28 ng Marso.
Ang pagpapatay ng kuryente ngayong Sabado ay sasabayan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.