47,582 total views
March 26, 2020-2:18pm
Naglabas na ng guidelines ang Diyosesis ng Cubao kaugnay sa nalalapit na mga Mahal na Araw, habang patuloy na umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa Metro Manila dahil sa pandemic na Coronavirus Disease.
Magiging simple ang lahat ng selebrasyon ng mga banal na misa at mananatili itong pribado, o hindi bukas sa pakikilahok ng publiko.
Sa Lingo ng palaspas ay magkakaroon ng online mass, mula dito isasagawa ang virtual blessing, maaaring hawakan ng mga mananampalataya ang kanilang palaspas o anu mang sanga na mayroong dahon habang dinarasal ang pagbabasbas sa mga palaspas.
Sa Huwebes Santo, kanselado ang Chrism Mass sa diyosesis dahil ito ay pagtitipon ng maraming mga pari.
Isasagawa pa rin ang Misa ng Huling Hapunan subalit wala na ang pag-alala sa paghuhugas sa mga paa ng mga apostol at inalis na rin ang pagpuprusisyon ng Banal na Sacramento.
Ipagbabawal naman sa Biyernes Santo ang pahalik sa Krus na karaniwang ginagawa taun-taon.
Ililipat naman sa oras na alas-5:30 ng hapon mula sa karaniwang alas-9 ng gabi ang pagdiriwang ng Misa ng Sabado de Gloria o ang Easter Vigil upang hindi ito abutan ng curfew ng alas-8 ng gabi, aalisin na din ang pagbabasbas ng apoy at sa halip ay sisindihan na lamang ang paschal candle.
Ipinaliwanag ng Diyosesis na ang mga gawain sa mga Mahal na Araw ay mahalaga at hindi ito maaaring mawala, gayunman nauunawaan ng simbahan ang kasalukuyang sitwasyon kung saan mahalagang isaalang-alang ang kaligtasan at kabutihan ng mas nakararami.
Ang Diyosesis ng Cubao ang isa sa nakasasakop sa lungsod ng Quezon City kung saan mayroong pinakamataas na kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Pinagsisikapan naman Diocese of Cubao na pag-ibayuhin ang paghahatid ng online spiritual services sa mga mananampalataya sa pamamagitan social media.