30,316 total views
March 30, 2020, 3:35PM
Nanawagan ang grupo ng mga mangingisda sa Kagawaran ng Agrikultura na direktang bumili ng mga produkto mula sa mga maliliit na mangingisda at magsasaka upang tulungan sila ngayong mahigpit na ipinatutupad ang community quarantine bunsod ng coronavirus disease.
Ayon sa grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA), nahihiraparan ang mga mangingisda at mga magsasaka na dalhin ang mga produkto sa merkado dahil na rin sa quarantine.
Dagdag pa ng grupo, napipilitan ang mga mangingisda na ibenta ang kanilang produkto sa mababang halaga dahil hindi nila ito madadala sa ibang bayan.
“Ang panawagan natin sa national – sa DA at BFAR na ang kanilang tauhan sa mga munisipyo sa mga probinsya ay matiyak na bilhin yung huli ng mga malilit na mangingisda at maibahagi ito sa ating mga kababayan na apektado ng kawalan ng kabuhayan” pahayag sa Radyo Veritas ni Fernando Hicap, ang National Chairperson ng PAMALAKAYA.
Pinangangambahan rin ng grupo ang pagbabago ng kulay ng tubig sa Manila Bay.
Ayon kay Hicap, ang pagkakaroon ng ‘discoloration’ sa mga dagat ay hudyat na may polusyon na humahalo sa dagat.
“Ang karanasan namin, lalo na sa Manila Bay, kadalasan diyan ay polusyon galing sa waste water ng mga pabrika na walang maayos na water treatment facilities kaya ang kanilang waste material ay dumidirekta sa Manila Bay” dagdag pa ni Hicap.
Sa kasalukuyan, sarado ang ilang daanan at mahigpit ang checkpoint sa ilang bahagi ng Luzon dahil na rin sa enhanced community quarantine na ipinatutupad bunsod ng coronavirus disease.