311 total views
March 31, 2020, 10:16AM
Nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines-National Capital Region (CEAP-NCR) sa lahat ng mga kasaping paaralan na maging bukas sa pagtulong kaugnay na rin sa nararanasan ng bansa mula sa banta ng Coronavirus Disease o COVID 19.
Inihayag ni Fr. Nolan Que, Regional Trustee ng CEAP-NCR na ito ay sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga pasilidad ng paaralan para sa mga taong walang matuluyan, health workers maging sa mga itinituring na Persons Under Investigation (PUI’s) at Persons Under Monitoring (PUM’s).
“Open our school facilities to those who are homeless, to health workers and even to persons under investigation (PUI’s) and/or persons under monitoring (PUM’s) for them to have place for resting and recreation, and more importantly for reconnecting with the Lord,” ayon pa sa liham ni Fr. Que.
Mungkahi din ng pari sa lahat ng kasaping paaralan na paigtingin ang pananalangin ng komunidad tuwing alas-7 ng umaga, pagdarasal ng Rosaryo gayundin ang Oratio Imperata.
Ang CEAP-NCR ay binubuo ng 150 paaralan sa buong Metro Manila. Bukod sa pananalangin, hinihiling din ang pakikiisa ng mga guro, magulang ang mga estudyante na maging bahagi sa pagtulong sa mga mahihirap.
Ito ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang pangunahing pangangailangan lalu’t marami ang hindi nakakapagtraho dahil na rin sa umiiral na community quarantine.
Ilang kasapi na rin ng mga katolikong paaralan maging ang mga kumbento ng mga religious congregations ang nagbukas bilang pansamantalang tahanan ng mga medical frontliners.