226 total views
April 2, 2020-12:50pm
Nanawagan at nakikiusap ang Filipinong pari sa Italya sa mamamayan ng pilipinas na makiisa at sumunod sa umiiral na lockdown o stay-at-home policy bilang bahagi ng pag-iingat na kumalat pa ang Novel Coronavirus.
Ayon kay Fr. Gregory Gaston, rector ng Pontificio Collegio Filipino, ayon na rin sa mga dalubhasa ang mamamayan ang frontliners bilang depensa mula sa patuloy na pagkalat ng virus.
“Ang frontliners hindi yung mga doctor, hindi mga nurse, hindi ang mga ospital kundi tayong lahat bawat isa sa atin tayo ang frontliner kasi tayo ung lumaban sa virus habang hindi pa dumadating ung unang contact ng virus ay sa atin hindi naman sa ospital kaya tayo ang pinaka-frontliners,” ayon kay Fr. Gaston.
Sa pamamagitan ng hindi paglabas ng bahay giit ng pari ay malilimitahan ang pagkahawa at masusupil ang covid 19 sa patuloy na pagkalat, gayundin ang pagbaba ng bilang ng mga nagkakasakit at ang namamatay.
Sa Pilipinas, umiiral ang Enhanced Community Quarantine na magtatapos hanggang sa ika-14 ng Abril.
Patuloy naman ang pagtaas ng bilang ng mga nagtataglay ng sakit na aabot na sa 2,311 kabilang na ang 96 na nasawi at 50 naman ang gumaling.
May 121 Filipino naman ang nahawaan ng sakit na nasa ibayong dagat.
COVID-19 SA ITALYA, BUMABABA NA ANG BILANG
Patuloy namang bumababa ang bilang ng mga bagong kaso ng pagkahawa ng novel coronavirus sa italya.
Ayon kay Fr. Gaston na siya ring correspondent ng Radio Veritas sa Vatican, nararamdaman na sa ngayon ang epekto ng tatlong linggong lockdown na pinairal ng Italya kung saan kabilang din ang Independent City ng Vatican ang sumunod sa panuntunan.
“Salamat sa Diyos, matapos ang tatlong linggong lockdown finally bumababa na ‘yung bilang ng mga bagong nahahawa ng Covid-19 ng new infections everyday bumababa na dito sa Italya,” ayon pa kay Fr. Gaston.
Sa tala, may apat na libong kaso ang naitala sa magkasunod na araw kumpara sa higit na anim na libong kaso noong nakalipas na linggo.
Ayon sa pinakahuling ulat, higit na sa 900 libo ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong mundo kung saan 47 libo na ang nasawi habang may 200 libo naman ang gumaling sa karamdaman.
Sa kasalukuyan ang Estados Unidos na ang may pinakamaraming kaso ng pagkahawa o higit sa 200 libo, sunod ang Italya at Espanya na kapwa nakapagtala ng higit sa 100 libong kaso.
Nanatili naman ang Italya ang may pinakamaraming kaso ng mga nasawi dulot ng sakit na may kabuuang 13-libo.