191 total views
Kinilala ng Simbahang Katolika ang mga frontliners sa pakikipaglaban na masugpo ang pagkalat ng pandemic corona virus disease 2019 (COVID-19).
Sa Misa sa Huling Hapunan ni Hesus na pinangunahan ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral, binigyang diin sa homiliya ng obispo na ang paglilingkod sa kapwa ay tunay na pakikiisa sa buhay ni Hesus.
“Nakikiisa tayo kay Hesus at isinasabuhay natin ang Banal na Misa kapag naglilingkod tayo sa isa’t isa,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Pinuri ni Bishop Pabillo at ng buong simbahan ang kahanga-hangang dedikasyon ng ilang indibidwal na tumugon sa pangangailangan hinggil sa pandemya sa kabila ng mapanganib na sitwasyon at malaking banta sa kanilang sariling kalusugan.
Ilan sa kumatawan ng mga frontliners na hinugasan ng paa sina Dr. Aileen Rotor, sa hanay ng mga medical personnel na pinakalantad sa panganib na dala ng COVID 19; Lt. Col. Rowena Acosta, sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas na nangangalaga sa kaayusan sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbabantay sa mga checkpoint katuwang ang Local Government Unit at mga barangay; Roland Solis, ang kumakatawan sa service/auxilliary personnel, tulad ng mga driver, grocery staff, service crew at iba pa; Sharon Joy Isla, mula sa hanay ng mga mamamahayag na patuloy ang paglilingkod sa mamamayan upang makapaghatid ng mga impormasyon hinggil sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa at sa buong daigdig.
Ayon kay Bishop Pabillo ang paglilingkod ng mga frontliners ay may kaakibat na pag-ibig tulad ng mga halimbawa ng Diyos na inialay ang Kanyang anak na si Hesus para sa katubusan ng sangkatauhan mula sa dilim ng kasalanan.
“We do this with love, it is love that gives meaning to our communion,” saad pa ni Bishop Pabillo.
Sa pinakahuling tala ng Department of Health mahigit na sa apat na libo ang kaso ng COVID 19 sa Pilipinas kung saan sa nasabing bilang 252 dito ay mga medical workers, 152 ay mga doktor habang 63 naman ang mga nurse.
Ayon naman sa Private Hospital Association of the Philippines (PHAP) nasa 21 mga Filipino doctors na ang nasawi dahil sa naturang virus. Pinaiigting naman ng simbahan ang pananalangin na tuluyan nang mapuksa ang nakahahawang virus at malunasan na na ang isa punto limang milyong COVID 19 infected sa buong mundo.