337 total views
April 13, 2020-2:19pm
Bagama’t walang marangyang pagdiriwang, naging abala ang simbahang katolika sa buong mundo sa paggunita sa kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sa sama-samang pananalangin at pagtulong sa mamamayan ng bawat bansa sa naging epekto ng Novel Coronavirus.
Hinimok ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat kristyano na patuloy na maging tagapagbahagi ng Mabuting Balita sa kabila ng banta ng pandemya.
“Christ, my hope, is risen! A different ‘contagion’, one that is transmitted from heart to heart,” bahagi ng mensahe ni Pope Francis.
“For many, this is an Easter of solitude, lived amid the sorrow and hardship that the pandemic is causing, from physical suffering to economic difficulties.”
Ito ang mensahe at pagninilay ni Pope Francis sa pagdiriwang Pasko ng muling pagkabuhay ni Hesus.
Ayon sa Santo Papa, mahalagang maging tagapagpadaloy ng pag-asa at kalakasan sa kapwa sa gitna ng takot na hatid ng Covid-19.
Hinikayat rin ni Pope Francis ang bawat isa na buksan ang puso para sa pagkakawanggawa upang makapagbahagi lalu na sa mga mahihirap.
Sa Pilipinas, kasunod ng panawagan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) inilunsad ng Caritas Manila ang Ligtas Covid-19 campaign habang ang Caritas Philippines naman ay pinasimulan ang Kindness Stations sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa.
Ito ay bukod pa sa mga programa at inisyatibo ng bawat parokya sa may 86 na diyosesis sa buong Pilipinas.
Sa Europa, nagsindi ng kandila sa bawat bintana ng tahanan sa pangunguna ng Commission of the Bishops Conference of the European Union upang hingin ang tulong ng Panginoon sa pagpuksa ng nakahahawang sakit.
Labing-limang minutong pagpapatunog naman ng kampana ang isinagawa ng Bishops Conference of the Netherlands na isang hudyat para sa pakikiisa ng pananalangin.
Sa Italya, pinangunahan naman ng Community of SantEgidio ang pagbibigay ng pananghalian para sa mga dukha noong Easter Sunday.