261 total views
April 13, 2020, 2:35PM
Umaapela ang opisyal ng Caritas Manila sa mamamayan na makiisa sa mga polisiyang ipinatutupad ng gobyerno sa paglaban sa nakahahawang corona virus disease.
Ayon kay Reverend Father Anton CT Pascual, Executive Director ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila at Pangulo ng Radio Veritas 846, malaki ang tungkulin ng bawat isa upang bumaba ang bilang ng mga nagpositibo sa COVID 19 sa Pilipinas.
Sinabi ni Father Pascual na kung makikiisa ang mamamayan sa panawagan ng gobyerno na enhanced community quarantine ay mataas ang posibilidad na tuluyang mapuksa ang paglaganap ng virus sapagkat nakaiiwas sa pagtitipon ang mga tao.
“Tayo ay nanawagan sa ating mamamayan na sumunod sa polisiya ng quarantine ng ating pamahalaan; ang dakilang hangarin nito ay mapigilan ang pagdami ng impeksyon at ng bumaba na ang kaso ng COVID at bumalik na tayo unti-unti sa normal na buhay,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Sa tala ng Philippine National Police mahigit na sa 100, 000 ang bilang ng mga nahuling lumabag sa ECQ sa buong bansa kung saan halos 65, 000 dito ay mula sa Luzon partikular sa National Capital Region habang maliit na porsyento lamang ang Visayas at Mindanao.
Matatandaang ika – 16 ng Marso ng simulang ipatupad ang community quarantine sa NCR na kalaunan ay pinalawig sa enhanced communiy quarantine sa buong Luzon upang mas mapigilan pa ang pagkalat ng virus.
Dahil sa ECQ maraming mga negosyo ang napilitang pansamantalang tigil operasyon para sa kaligtasan ng mga manggagawa at dahil din sa kawalan ng transportasyon sapagkat pansamantalang suspendido ito.
Dahil dito pinangangambahan ang paghina ng ekonomiya sa buong daigdig lalo na ng Pilipinas kung saan batay sa National Economic and Development Authority (NEDA) tinatayang aabot sa 156.9 na bilyong piso ang mawawalang kita o katumbas sa punto walong porysento sa Gross Domestic Product ng bansa para sa 2020.
Mahigit sa 50-libong manggagawa naman ang mawawalan ng kabuhayan.
Kaugnay dito pakiusap ni Fr. Pascual sa mamamayan na manatili na lamang sa loob ng mga tahanan upang hindi na madagdagan pa ang positibong kaso ng COVID 19 sa bansa sa halip ay mabawasan ito hanggang sa tuluyang mapuksa.
“Kung wala kayong gagawin sa labas ng bahay manatili na lamang po kayo sa inyong mga tahanan,” giit ni Fr. Pascual.