250 total views
Kinakailangan nang maghanda ng simbahan ng mga programa at mga gawain na mula sa aral na natutunan mula sa pandemya.
Ito ang inihayag ni Bishop Broderick Pabillo-Apostolic Administrator ng Maynila kaugnay na rin sa inaasahang pagtatapos ng Enhanced Community Quarantine dulot na rin ng Novel Coronavirus.
SOCIAL MEDIA MINISTRY
Kabilang na dito ayon sa obispo ang pagpapaigting ng Social Communications Ministry ng simbahan na naging mahalagang tungkulin para sa patuloy na paghahatid ng mabuting balita sa mga mananampalataya lalu’t walang mga misa sa mga parokya.
“So the media apostolate is here to stay and will play a greater role in the life of the Church from now on. Thus all Church institutions are encouraged to set up good social media ministries,” ayon sa facebook post ni Bishop Pabillo na may titulong Post COVID Ministry Part I.
Ayon sa obispo, mahalaga at naging malaki ang tulong ng gawaing ito na dapat pang pag-ibayuhin kahit matapos man ang umiiral na lockdown.
Hinikayat din ng obispo ang bawat parokya na bigyang tuon ang kanilang social media ministries na higit na nakita ang kahalagahan sa simbahan at mananampalataya sa panahon ng krisis.
Ang Catholic Bishops Conference of the Philippines ay may Episcopal Commission on Social Communications na pinamumunuan ni Boac Bishop Antonio Maralit Jr.
MINISTRY OF THE SICK
Bukod sa social media ministry, dapat din bigyang tuon ng simbahan ang mga gawain sa paglilingkod sa mga may sakit.
Ayon pa kay Bishop Pabillo, ito ay gawain ng simbahan na nabigyan ng pagpapahalaga dulot ng pandemya.
“We should seriously think as an archdiocese to strengthen our ministry to the sick, even down to the parochial level. This ministry does not only cater to the sick in the hospitals but also to the medical staff, and also to the sick and the elderly in their homes,” ayon kay Bishop Pabillo.
Inamin din ng obispo na kakaunti lamang ang mga paring nakatalaga sa ganitong gawain at hindi lahat ng parokya ay may Ministry of the Sick.
Habang karamihan sa mga paring nakatalaga sa chaplaincy ng mga pagamutan ay pawang mula sa mga religious at guest priest habang limang pari lamang ng Archdiocese ng Manila ang nakatalaga sa ganitong gawain.
Tiniyak ng obispo na matapos ang krisis ng pandemya ay paiigtingin ng simbahan ng maynila ang Ministry of the Sick hindi lamang sa mga hospital kungdi sa hanggang sa parochial level.
Ang Archidiocese of Manila ay may 86 na parokya na pinangangasiwaan na 587 mga pari mula sa kabuuang tatlong milyong mananampalataya.