313 total views
April 17, 2020, 10:50AM
Inihayag ng opisyal ng World Apostolic Congress on Mercy (WACOM) na tuluyang masugpo ang pandemic corona virus disease sa tulong ng habag at awa ng Panginoon.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, ang WACOM – Asia Coordinator, mahalagang manikluhod ang bawat isa at magtiwala sa awa ng Diyos sa gitna ng anumang krisis na kakaharapin sa buhay.
“Kailangan natin ngayon ang habag at awa ng Diyos dahil siya ay tutulong at gagabay sa atin sa gitna ng pandemic na ito,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang mensahe ng obispo ay kaugnay sa nalalapit na pagdiriwang ng kapistahan ng Divine Mercy sa ika – 19 ng Abril.
Binigyang diin ni Bishop Santos ang kagandahan ng kaugalian ng mga Filipino kung saan bukambibig ang ‘may awa ng Diyos’ sa bawat paghihirap at pagsubok na nararanasan na sagisag ng malalim na pananampalataya sa Diyos.
Pinaalalahanan ni Bishop Santos ang mamamayan na tinitingnan ng Diyos ang kababaang loob ng tao sa tuwing naninikluhod at lumalapit ito kasabay ng paggawad ng pagbabasbas ng habag at awa.
“Tingnan natin sa pandemic na ito na may awa ang Diyos, gumagalaw at kumikilos ito sa kanyang kapangyarihan upang ipamalas sa sangkatauhan na mawawala at mapapawi ang pandemic,” giit ni Bishop Santos.
Umaasa ang obispo na magsilbing aral ang pandemyang ito upang mapagnilayan ng tao na ang lahat ng materyal na bagay sa mundo tulad ng salapi, kapangyarihan at katungkulan ay may hangganan at higit nanaig ang dakilang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
Dahil dito hinikayat ni Bishop Santos ang mananampalataya na makinig at manuod ng mga banal na misa online upang makibahagi sa Dakilang Kapistahan ng Banal na Awa ng Diyos.
Ang Radio Veritas 846 ay patuloy sa paghahatid ng on air at online mass araw-araw ganap na alas 6 ng umaga, alas 12 ng tanghali at alas 6 ng gabi.
Hinikayat naman ni Bishop Santos ang mamamayan na ugaliin ang pagdarasal ng 3 o clock habit o ang Divine Mercy prayer tuwing ikatlo ng hapon upang hingin ang habag at awa ng Panginoon na tuluyang mawakasan ang COVID 19 na umapekto sa mahigit dalawang milyong indibidwal sa buong mundo.