313 total views
April 18, 2020, 11:48AM
Nakibahagi ang Daughters of St. Anne sa Bacolod sa naranasang krisis sa buong mundo dulot ng pandemic COVID 19.
Ayon sa salaysay ni Sr. Crisvie Hapyy Montecillo, DSA, co-Executive Secretary ng Association of the Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP), napagkasunduan ng kanilang komunidad sa mga nasabing lalawigan na kumain ng lugaw tuwing Martes at Biyernes upang makatipid ng pagkain at maibahagi sa ibang mamamayan na walang pagkain at walang kinikita dahil sa pagsara ng karamihang negosyo sa bansa.
Aniya, ito ang nakikitang pamamaraan ni Sr. Maricel Carcillar, DSA ng Blessed Mother Rosa Foster Home na nangangalaga ng mga bata, na makatulong sa mga nakatira sa paligid ng institusyon lalo na sa pagbibigay ng mga pagkain.
Bagamat payak na mga hakbang lamang ay malaking tulong ito sa mga walang makakain lalo’t mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng community quarantine para protektahan ang kalusugan ng mga Filipino.
Ikinatuwa ng mga madre na suportado ito ng 16 na mga inaarugang mga bata kung saan sila mismo ang nagpahayag na nais nilang makiisa sa pagkain ng lugaw para makapagbahagi sa iba.
Sinabi pa ni Sr. Montecillo na umaasa lang din ang komunidad ni Sr. Mase sa tulong ng mga donors upang mapakain ang mga kinakalingang bata ngunit buong puso pa rin ang suporta nito sa buong komunidad na nakaranas ng hirap dahil sa krisis.
Bukod dito, magkatuwang din ang tatlong madre at 16 na mga bata sa paghanda ng tiglimang kilong bigas at mga gulay upang maipamahagi sa mga residente sa lugar.
Buong pusong ipinagmalaki ng isang limang taong gulang na bata na kasama ni Sr. Carcillar na sila ay nakapagbahagi sa kapwa nangangailangan dahil sa pagkain ng lugaw tuwing Martes at Biyernes.