4,379 total views
April 22, 2020, 12:30PM
Pagdiriwang ng Earth Day 2020 ngayong ika-22 ng Abril patuloy na ginaganap sa pamamagitan ng mga online activities.
Sa inisyatibo ng Obispo ng San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, magkakaroon ang diyosesis ng digital activities upang hikayatin ang mga tao na magkaisa at ipakita ang pangangalaga sa kalikasan habang ligtas na nananatili sa kanilang tahanan.
Ito ay pamamagitan ng paggawa at pagpost ng mga online content tulad ng mga dance challenge at video materials.
Ayon pa kay Bishop Alminaza, ngayong taon ang unang anibersaryo ng Diocesan-wide Human Chain kung saan nakilahok ang diyosesis upang mahigpit na tutulan ang pagtatayo ng coal-fired power plant sa San Carlos City.
Ngayon taon, makikiisa muli ang diyosesis sa pagbuo ng human chain sa pamamagitan ng mga nauusong online application.
“Even our small contributions can make a big difference; with all our efforts. This is another way of living out out battle cry: “Ubuntu: I am because we are!” Together we stand as one!” pahayag ni Bishop Alminaza
Samantala, nanawagan naman si Fr. Angel Cortez, OFM, Executive Secretary ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) sa mga mananampalataya na hindi lamang dapat matapos ang pagdiriwang ng Earth Day sa pagpost ng mga online content bagkus ay dapat na tayong kumilos upang pangalagaan ang kalikasan.
“Ipagdiwang natin nang makabuluhan ang Earth Day, hindi lamang magpost tayo sa social media at magpatay ng ilaw kung hindi kailangan sa pamamagitan ng ating pananampalataya ay kumbinsido tayo na mayroon tayong dapat gawin at ngayon na ‘yun”. pahayag ni Fr. Cortez sa Radyo Veritas
Kaugnay nito, nagkakaroon ng mga online activities sa pamamagitan ng paggamit ng #EarthDay2020 ang iba’t ibang makakalikasang grupo at mga Church groups upang mas hikayatin ang mga tao na makiisa sa adbokasiya ng Earth Day.
Ang Earth Day ay ipinagdiriwang tuwing ika-22 ng abril na magugunitang nagsimula sa amerika at ngayong taon ang ika-50 anibersaryo nito.
Una nang inanyayahan ni Pope Francis sa encyclical na Laudato Si ang bawat indibidwal na makibahagi at maging instrumento ng panginoon sa pagpapakita ng pangangalaga sa kalikasan batay sa ating kultura, karanasan, at talent.