260 total views
Nasasaad sa Pacem in Terris na inakda ng dating Santo Papa na si Saint John the 23rd na ang isang maayos na lipunan ay nangangailangan ng mga taong kumikilala at nagsasabuhay sa mga karapatan at katarungan ng bawat mamamayan.
Sa ganitong konteksto ay dismayado ang Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) kaugnay sa paraan ng implementasyon ng pamahalaan sa Luzon-wide Enhanced Community Quarantine bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng pandemic na Coronavirus Disease 2019.
Ayon kay PAHRA Chairperson Dr. Nymia Pimentel Simbulan, hindi digmaan ang kinahaharap ng bansa mula sa COVID-19 kaya’t hindi naaangkop ang mahigpit na paggamit ng pwersa ng pamahalaan upang matugunan ito.
Paliwanag ni Simbulan, ang krisis na dulot ng COVID-19 ay pakikipaglaban para sa buhay at dignidad ng bawat isa na kinakailangang tugunan sa pamamagitan ng pagbibigay halaga sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan.
“National authorities treated Filipinos as either naughty subjects or hapless victims, ignoring their important views on the national effort to combat COVID19. The paradigm of warfare was used to emphasize peace and order which resulted in human rights violations including torture, cruel and degrading treatment and sexual harassment. We are not at war! We are in defense of Life with Dignity,” ayon kay Dr. Simbulan.
Inihayag ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na pagkakaisa at pagtiyak sa maayos na kapakanan ng mga mahihirap at mahihina sa lipunan ang isang paraan upang makatiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa kumakalat na virus at hindi ang martial Law like quarantine.
Inihayag naman ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang posibleng pagpapatupad ng mas mahigpit na Luzon-wide Enhanced Community Quarantine sa pangunguna ng mga pwersa ng pamahalaan dahil sa maraming naitalang paglabag sa ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.
Batay sa pinakahuling tala ng Philippine National Police (PNP) umaabot na sa mahigit 125,000 ang bilang ng mga naitalang lumabag sa enhanced community quarantine na karamihan ay nahuling lumabag sa curfew at nasa labas ng kanilang mga tahanan at mga lansangan sa kabila ng kawalan ng quarantine pass.